Chapter 14.4

3.1K 61 4
                                        

“SA isang linggo na agad ang kasal ninyo?!” hindi makapaniwalang tanong ni Anthony sa kanya. Nasa mukha nito ang matinding pagkagulat.
Tumingin si Rachel Leigh dito at nagtaka pa nang mapansin na parang gusto nitong tutulan ang bagay na iyon. “Oo,” maikling tugon niya.
“Bakit ganoon kabilis?” tanong pa nito.
Sinabi niya dito ang dahilan ni Christopher. “Hindi ba mas maayos na rin iyon?” tanong pa niya. “Gusto mo rin namang mapadali ang lahat, hindi ba?” hindi niya napigilan ang pagiging sarkastiko ng tinig niya.
Natigilan ito pero agad ring tumalikod at humarap kay Drake na nakikinig lang sa kanilang dalawa. “Ikuha mo ako ng maiinom,” utos nito sa lalaki.
Agad namang sumunod si Drake at lumabas na ng library ng bahay ni Anthony na kinaroroonan nila.
Pagkalabas nito ay muling humarap sa kanya si Anthony. “Gusto kong magpasalamat, Rachel, sa ginagawa mong sakripisyong ito para sa mga plano ko.”
Iniiwas niya ang tingin dito. “Pero hindi ako sigurado, Anthony, kung makakatulong talaga ang bagay na ito.”
“Hindi tayo sigurado, pero maganda na ang subukan,” anito. “Subukan mong kunin ang lahat ng tiwala niya, subukan mong pasukin ang mga lugar niyang pribado, mga lugar kung saan posibleng may makukuha kang impormasyon tungkol sa MicroGet.”
“Susubukan ko.” Pero hindi niya ipinapangako.
Tumango ito. “Rachel Leigh,” sambit nito sa pangalan niya.
Napilitan siyang tumingin dito. Kumunot pa ang noo niya sa nakikitang kalungkutan sa mukha nito.
“Stay away from him as possible,” sabi nito. “Makisama ka lang sa kanya. Alam ko namang magagawa mo iyon, hindi ba?”
Hindi niya ito maintindihan. Iniisip ba nito na posibleng makuha ni Christopher ang atensiyon niya at makalimutang tulungan ito? Natigilan siya sa naisip. Posible bang mangyari iyon? Hindi! Hindi maaari! Gagawin niya ang lahat para mapigilan ang damdamin niya kapag kasama si Christopher. Sana lang ay magawa niya talaga iyon.
“Ikaw na lang ang inaasahan ko na makakatulong sa akin,” dugtong pa nito. “Please, Rachel Leigh, I’m counting on you. Kung kailangan mo ang tulong ko, tawagan mo lang ako.”
Napatitig siya dito. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagmakaawa ito sa kanya. Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nakakita siya ng kaguluhan sa mukha nito. Na para bang hindi na ito sigurado sa mga desisyon nito.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon