KUMUNOT ang noo ni Rachel Leigh nang makita ang isang pamilyar na mukha sa loob ng Niel’s Bar isang gabi matapos ang performance niya. Agad na napangiti si Matthew Azcarraga nang makita siya.
Lumapit siya dito. Nakaupo ito sa pinakadulong bahagi ng bar kaya hindi gaano karaming tao ang naroroon. Naupo siya sa katapat nitong silya at ipinatong sa sahig ang hawak na case ng gitara. “Matthew, napabisita ka dito sa bar,” bati niya dito. “Hinihintay mo ba si Daniel?”
Umiling ito. “Hindi, ikaw talaga ang sadya ko dito,” tugon nito.
Kumunot ang noo niya. “Ako? Bakit?”
Bumuntong-hininga muna ito bago sumandal sa sandalan ng upuan. Ilang sandali itong nanatiling tahimik bago nagsalita. “Kumusta na kayo ni Christopher?” tanong nito.
Napangiti siya. “Maayos naman,” masayang tugon niya.
Tumango-tango ito, seryoso ang mukha. “Kumusta naman ang pagsubaybay mo sa kanya?”
Nagulat siya sa sinabi nito, tumigil rin sa pagtibok ang puso niya. P-Paano nito nalaman? A-Anong alam nito? B-Bakit? Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Pakiramdam niya ay umikot ang buong paligid ng mga oras na iyon, namanhid ang buong katawan niya.
“Sagutin mo ako, Rachel Leigh,” pagpapatuloy ni Matthew, may galit na sa mga mata nito. “Kumusta ang inuutos sa’yo ng Anthony na iyon?”
Natutop niya ang bibig, dumaloy na rin ang mga luha sa mukha niya. No! Paano nito nalaman ang tungkol sa itinatago niya? Paano nito nakilala si Anthony?
Humugot ng malalim na hininga si Matthew. “Ikaw nga iyon, hindi ba? Isa ka sa mga taong tinukoy sa akin ni Ate Sandra noon.”
Nagtataka siyang napatingin dito. “A-Ate Sandra?” nangangatal ang tinig na ulit niya.
“Tanda mo pa ba noong namatay si Ate Sandra sa isang isla sa Palawan dahil kay Brian? Noong iniligtas niya ako?” pagpapaalaala sa kanya ni Matthew nang masaklap na pangyayaring iyon kay Sandra. “May nabanggit siya sa akin patungkol sa grupong kinabibilangan niya. Sa isang sumpa na gusto niyang takasan. Nabanggit niya ang tungkol sa Anthony na iyon at sa mga taong nais niyang mailigtas sa mga kamay ng lalaking iyon,” tumitig ito sa kanya. “Mga taong katulad niya rin na hindi alam ang ginagawa nila at nagpapadala lang sa utos ng Anthony na iyon.”
Napayuko siya. Hindi niya inaasahan ang bagay na ito. Hindi niya alam na may nabanggit si Sandra patungkol sa kanila sa ibang tao. Bakit nangyayari ito?
“Nangako ako sa kanya,” dugtong pa ni Matthew, bumaba na ang tono ng boses nito. “Nangako ako kay Ate Sandra na tutulungan ko ang mga taong tinutukoy niya kaya pina-imbestigahan ko ang naging buhay niya nitong nakaraang mga taon. Walang ibang naging malapit sa kanya kundi ikaw, si Brian at si Elij. Wala na si Brian kaya sigurado akong kayong dalawa ni Elij ang tinutukoy niya.”
Napaiyak na siya ng tuluyan sa harapan nito. “M-Matthew…”
“Alam ko na may kinalaman kay Christopher ang ipinag-uutos sa inyo ng kung sinomang Anthony na iyon,” putol sa kanya ng lalaki. “Noong dukutin ako ni Brian ay nabanggit niya kaming mga breakers at ang MicroGet. Nakausap ko na si Elij at nagpatotoo siya sa lahat ng hinala ko. Siya ang inutusan kay Thaddeus at ikaw naman kay Christopher, tama?! Inutusan kang sirain ang buhay ni Christopher, ganoon ba?”
Tumayo siya mula sa pagkakaupo at lumapit dito. Wala na siyang pakialam kung nasaan pa siya. Lumuhod siya sa harapan nito. Nakita niya ang pagkagulat sa mukha ni Matthew sa ginawa niya.
“P-Parang awa mo na, Matthew,” hagulhol niya. “Huwag mong sabihin kay Christopher. Please, huwag mong sabihin sa kanya. Nagmamakaawa ako sa’yo.”
Hinawakan nito ang magkabilang balikat niya at pinilit siyang itayo. “Anong ginagawa mo, Rachel Leigh?” sita nito. “Bakit hindi ko sasabihin sa kanya? Kaibigan ko siya. Gusto ko kayong tulungan, katulad ng pangako ko kay Ate Sandra pero hindi ko naman hahayaang masaktan ang mga kaibigan ko.”
Umiling siya. “H-Hindi ko siya sasaktan, Matthew. Pangako, hindi ko siya sasaktan. Mahal na mahal ko si Christopher. Hindi ko siya hahayaang masaktan.”
Napapikit ito. “Mahal na mahal mo siya?” tumango-tango ito. Nagmulat ito ng mga mata at nang muli siyang tingnan ay may awa na sa mga matang iyon. “Kung ganoon dapat malaman niya ang lahat-lahat tungkol sa’yo. Matutulungan ka niya, Rachel Leigh. Sabihin mo lang sa kanya ang mga nagpapahirap sa’yo.”
Patuloy lang siya sa pag-iling at pagluha. “H-Hindi… h-hindi ko kaya,” nanginginig na tugon niya.
“Anong hindi mo kaya? Kailangan niyang malaman ang katotohanan, Rachel Leigh,” pamimilit nito.
Tumingin siya sa mga mata nito, alam niyang nababanaag nito ang paghihirap at sakit sa mga mata niya. “Pero hindi kung ang katotohanang iyon ay napakasakit,” pumiyok pa siya. “Anong sasabihin ko sa kanya? Na kaya ako lumapit sa kanya, na kaya ako nagpakasal sa kanya ay dahil gusto kong tulungan ang isang taong gustong sumira sa kanya? Hindi ko siya kayang saktan.”
“Hindi mo siya kayang saktan?” ulit nito. “Pero ginagawa mo na iyon ngayon, Rachel. You’re hiding something from him. Hindi ka nagiging totoo sa asawa mo. Sa pagtagal ng panloloko mong ito ay mas lalo mo lang siyang sinasaktan.”
Napabagsak na siya ng upo sa sahig, tuluyan ng nawala ang lahat ng lakas niya. Wala na siyang pakialam kung sino man ang makakita sa kanya. Sobrang sakit na ang nararamdaman niya. Malakas niyang pinukpok ang naninikip na dibdib. “Alam ko…” bulong niya. “Gustong-gusto ko ng sabihin sa kanya, gustong-gusto ko ng magtapat. Pero natatakot ako, natatakot akong baka hindi niya ako maintindihan. Natatakot ako sa galit niya. Ayokong isipin niya na niloko ko siya kahit iyon naman ang totoo,” tumingin siya kay Matthew nang lumuhod ito sa harap niya. “Ayoko siyang mawala sa akin, Matthew.”
“Kung magalit man siya sa’yo, karapatan niya iyon,” mahinahong sabi nito.
Marahan siyang tumango. Tama ito. Humikbi siya. “K-Kapag sinabi ko ba kay… kay Christopher, mapapatawad niya pa kaya ako?” tiningnan niya si Matthew, umaasa ang mga mata niya.
Hindi ito nakasagot ng ilang sandali. “Hindi ko alam, Rachel Leigh. Pero mas maganda na ang sa’yo manggaling kaysa sa iba, hindi ba?”
Nakatitig siya sa kawalan. Hindi niya na alam kung ano ang gagawin. Hindi niya alam kung ano ang iisipin. Magagawa niya bang sabihin kay Christopher ang lahat ng itinatago niya? Magagawa ba siya nitong patawarin? Paano na si Anthony? Paano kapag nalaman nito ang mga pangyayaring ito? Gulong-gulo na siya. Bakit ba kasi siya nagdesisyon na sundin si Anthony na nagiging dahilan ng paghihirap niya ngayon at ng taong mahal niya?
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomansaThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...