NAPANGITI si Rachel Leigh nang makita ang pagyakap ni Mama Angelina sa asawa nitong si Boyet matapos ang mahabang sandaling usapan na naganap sa pagitan nilang lahat sa loob ng living area ng bahay ni Christopher. Patuloy lang sa pag-iyak ang mga ito at patuloy lang din naman sa paghingi ng tawad si Boyet sa asawa.
Inilipat niya ang tingin sa katabing si Christopher, nakatingin din ito sa mga magulang. Hindi niya napigilan ang mapaluha sa nakikitang kasiyahan sa mga mata ng asawa. Alam niyang ayaw nitong ipaalam ang tungkol sa bagay na iyon pero nararamdaman niya ang sayang itinatago nito. Masaya rin ito sa muling pagkakabuo ng pamilya nito… nila.
Bumaling ito sa kanya at bahagyang ngumiti. Itinaas nito ang isang kamay at hinaplos ang pisngi niya. “Thank you,” bulong nito.
Ngumiti rin siya at niyakap ito ng buong higpit. She was giving him every comfort she could offer. Gusto niyang malaman nito na naririto lang siya sa tabi nito sa kahit na anong sitwasyon.
“Maraming maraming salamat, Christopher… anak,” narinig nilang wika ng ama nito, basag ang boses dahil sa patuloy na pagluha.
Napatingin sila ni Christopher dito, inaalo pa rin nito si Mama Angelina na patuloy pa rin sa paghagulhol.
Bumuntong-hininga si Christopher. “Kung hindi dahil sa asawa ko ay hindi ako magde-desisyon na kausapin ka at tanggapin muli,” anito. “Sobra mo kaming nasaktan pero… pero nakaraan na iyon. Tama si Rachel Leigh na ama pa rin kita at dapat kong subukan na bigyan ka ng isa pang pagkakataon,” pumiyok na ito.
Nasasaktan siya tuwing nakikita itong nagkakaganito. Mahal na mahal niya talaga ang lalaking ito.
“Isa pang pagkakataon...” mahabang sandaling huminto si Christopher. “P-Papa…”
Napangiti siya sa sinabi nito. Nang mapatingin siya sa mga magulang nito ay nasa mga mukha rin ng mga ito ang hindi maipaliwanag na kasiyahan.
“Pero sisiguraduhin mo na hindi mo na uulitin ang kamalian mo noon,” dugtong ni Christopher. “Dahil hinding-hindi na talaga kita mapapatawad.”
Tumango si Boyet. “Pangako, pangako, anak. Gagawin ko ang lahat para makabawi sa inyo,” puno ng kaseryosohang wika nito.
“And I have a golden rule as well,” dagdag pa ni Christopher. “Gusto kong simula ngayon ay si Mama na lang ang nag-iisang babae na mamahalin at titingnan mo sa buong buhay mo. Wala ng iba. Katulad ko, ipinapangako kong ang asawa ko na lang ang tanging babaeng mamahalin at titingnan ko sa buong buhay ko,” hinigpitan pa nitong lalo ang pagkakahawak sa baywang niya.
Napatitig siya sa kaseryosohang nasa mukha ni Christopher. Umaapaw ang kasiyahan at pagmamahal sa puso niya ng mga sandaling iyon. Pagbaling niya ng tingin sa mga magulang ng asawa ay nakita niya ang nakaguhit na ngiti sa mga labi ng mga ito habang pinagmamasdan sila.
Makalipas ang ilang sandali ay niyaya muna siya ni Mama Angelina na maghanda ng makakain para maiwanan din sina Christopher at ang ama nito. Kailangan din ng mga itong makapag-usap ng sarilinan.
Pagkarating nila sa komedor ay nagulat pa siya nang yakapin siya nang mahigpit ni Mama Angelina. Tahimik itong napaiyak habang patuloy ang pag-usal ng pasasalamat sa kanya.
Marahan niyang hinagod ang likod ng ginang. “Ayos lang po iyon, Mama,” bulong niya.
Lumayo ito sa kanya at malawak na ngumiti. “Salamat talaga, hija,” hinawakan nito ang dalawang kamay niya. “Sobrang saya ko dahil ikaw ang napiling maging asawa ng anak ko. Hindi siya nagkamali sa pagpili sa’yo. Alam kong mahal na mahal mo siya at alam kong tapat ka sa kanya.”
Natigilan siya sa sinabi nito. Oo, mahal na mahal niya si Christopher pero alam niya sa sariling hindi siya lubos na tapat dito. Dahil may parte pa rin ng nakaraan niya at ng desisyon niya ang hindi niya sinasabi dito. Natatakot siya. Hindi niya magagawang sabihin dito ang bagay na iyon.
“Kitang-kita ko ang pagmamahal ninyong dalawa sa isa’t isa, hija,” pagpapatuloy pa ng ginang. “Masayang-masaya ako para sa inyo,” ngumiti ito.
Ginantihan niya ang ngiti nito. “Mahal na mahal ko po si Christopher,” sabi niya. “Hinding-hindi ko po siya sasaktan. Gagawin ko ang lahat para makasama at ma-protektahan siya.”
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
RomanceThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...