Chapter 29.2

2.6K 42 1
                                    

HAPON na nang magising si Rachel Leigh mula sa mahimbing na pagkakatulog. Pagkatapos niyang mag-ayos ng sarili ay inubos niya na lang ang oras niya sa pagpapatugtog ng gitara. Napangiti siya nang mapatingin sa kamang kinauupuan. Naalala niya ang pag-angkin dito sa kanya ni Christopher kagabi. Miss niya na naman ang asawa niya. Sana ay maaga itong makauwi mula sa trabaho nito.
Naputol ang pag-iisip niya nang marinig ang pagtunog ng cell phone niyang nasa bedside table. Kinuha niya iyon at nakitang si Anthony ang caller. Ayaw niya sanang sagutin iyon pero nag-aalala siya na baka pumunta na naman ito dito.
“Hello?” sagot niya.
“Hindi mo ginawa ang ipinag-utos ko sa’yo kagabi, Rachel Leigh,” bungad nito sa kanya, may galit sa tono.
Humugot siya ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili. “Hindi ko kayang gawin ang bagay na iyon, Anthony. Hindi ko kayang pumatay ng tao.” Hindi ako katulad mo!
Narinig niya ang pagak na tawa nito sa kabilang linya. “Kung ganoon, alam mo na ang mangyayari sa’yo, Rachel,” sabi nito. “Hawak ko ngayon ang pinakamamahal mong asawa at kapag hindi ka nagpakita dito ay hindi ako mangingiming patayin siya.”
Halos mawalan na siya ng malay ng mga oras na iyon dahil sa takot na lumukob sa buong pagkatao niya. “Hayop ka, Anthony!” malakas na mura niya dito. “Huwag na huwag mo siyang sasaktan. Walang hiya ka! Walang hiya ka!” napahagulhol na siya ng iyak. Hindi! Hindi nangyayari ang bagay na ito. Hindi puwede.
“Matagal na akong walang hiya, Rachel Leigh. Hindi mo lang nakikita iyon,” balewalang tugon nito.
“A-Anthony,” nangangatal na ang tinig niya. “Parang awa mo na, huwag mong sasaktan si Christopher.”
“Puwes, pumunta ka dito, Rachel Leigh,” utos nito. “May pagkakataon ka pang mailigtas ang pinakamamahal mo.”
Pagkatapos nitong sabihin sa kanya ang lugar na kinaroroonan nito ay tinapos na nito ang tawag. Wala na siyang inaksayang oras at nagmamadaling nilisan ang lugar na iyon. Nang makarating siya sa motor ay tinawagan niya muna si Matthew para ipaalam dito ang nangyari. Ito lang ang mahihingian niya ng tulong ngayon. Kung buhay niya ang magiging kapalit para sa kaligtasan ng asawa ay ibibigay niya.

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon