Chapter 12.6

2.9K 60 1
                                    

“RACHEL LEIGH.”
Napatigil si Rachel Leigh sa pag-inom ng iced tea nang marinig ang pamilyar na tinig na iyong tumawag sa kanya. Nasa loob siya ng Niel’s Bar at pansamantalang nagpapahinga.
Napatingin siya sa gilid at nakitang nakatayo doon si Christopher. He was wearing a simple gray long-sleeved shirt and black trousers. May hawak din itong isang baso ng piña colada.
Ngumiti ito. “Can I share your table?” tanong nito.
Ibinalik niya ang tingin sa hawak na baso ng iced tea at hindi ito sinagot. Nang makaupo ito sa katapat niyang silya ay hindi niya pa rin ito pinagtutuunan ng pansin.
Ano bang ginagawa nito dito? Bakit lumalapit pa rin ito sa kanya? Hindi ba at nagkabalikan na ito at si Stacey ilang araw na ang nakalipas?
“Ilang gabi kitang hindi nakita dito, ah?” ani pa nito. “Sabi ng mga kabanda mo may sakit ka daw.”
Hindi niya pa rin ito pinansin. Ilang gabi nga siyang hindi nakapunta sa performance nila dahil nawalan siya ng ganang lumabas nitong nakaraang mga araw. Iyong tungkol sa pagkakasakit niya ay dahilan niya lang.
“Ayos ka na ba?” tanong ulit nito.
Nagkunwa siyang naghikab at inabot ang case ng gitara na nasa sahig. Tatayo na sana siya nang pigilan nito ang braso niya. Napabalik siya sa pagkakaupo.
“Galit ka ba sa akin?” dagdag nito.
Tiningnan niya ito ng masama. “Ano pa bang kailangan mo sa akin?” marahas na tanong niya dito. “Ayoko ng masira pa ulit ang relasyon niyo ni Stacey, Christopher.”
Kumunot ang noo nito. “Relasyon? Matagal na kaming tapos ni Stacey.”
Inis siyang bumuntong-hininga. Nagsisinungaling pa ito.
“Nagkausap kami noong isang araw na bumalik siya dito sa Pilipinas,” dugtong nito. “Humingi ako ng tawad at sinabi niyang ayos na daw iyon sa kanya. We’re back to being friends.”
Napatingin siya dito. Mukhang nagsasabi naman ito ng totoo. Pero bakit hinalikan pa ito ni Stacey? May magkaibigan bang naghahalikan?
“She went back to the States,” Christopher continued. “Gusto ka nga daw niyang makausap, medyo busy pa nga lang daw ang schedule niya ngayon.”
Natigilan siya. Magagawa niya na bang harapin si Stacey? Paano kung galit pa rin ito sa kanya?
“I’ve been very busy these past few days,” sabi pa ni Christopher. Sumandal ito sa sandalan ng upuan nito at humalukipkip. “Balak ding umuwi ng Mama ko dito sa Pilipinas.”
“N-Nasaan ba siya?” tanong niya.
“She lived in the States for a long time,” sagot nito. “Gusto niya na daw umuwi dito dahil hindi niya na makaya ang lamig doon,” ngumiti pa ito.
Napatitig siya dito. “Mukhang mahal na mahal mo ang Mama mo, ah?” naisipan niyang itanong.
Lumawak ang pagkakangiti nito. “I do. At gagawin ko ang lahat para maibigay ang lahat ng nais niya para mapasaya siya.”
Tumango-tango siya. Hindi maitatanggi sa mukha nito na totoong lahat ang sinabi nito.
“May kaunting problema nga lang ako sa nakatakdang pag-uwi niya,” anito.
Nagtataka siyang napatingin dito. “Ano?”
“She’s asking me for something,” huminto ito at pinakatitigan siya. Pagkatapos ay muli itong ngumiti. “It’s nothing. Kalimutan mo na iyon.”
Tumango na lang siya pero hindi pa rin naaalis ang curiosity niya sa bagay na iyon. Gusto niyang magtanong pero ayaw niyang kulitin ito, hindi siya sanay gumawa ng ganoong mga bagay.
She slowly raised her glass and sipped her iced tea. Palihim siyang sumulyap dito at nakitang nakatitig pa rin ito sa kanya. Bahagya pa siyang nailang sa titig na iyon. Gusto niyang alamin kung ano ang iniisip nito. Bakit ba napakahirap basahin ng lalaking ito?

[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon