AGAD na sumilay ang ngiti sa mga labi ni Rachel Leigh nang pagbuksan siya ng pinto ni Sandra. Masaya siya dahil naririto ito ngayon sa tinutuluyan nitong apartment sa Parañaque kung saan kasama nito ang pinsan ni Elij na si Brian.
Si Sandra ay isa rin sa mga miyembro ng grupo ni Anthony at si Brian ang nagdala dito sa grupong iyon. Masaya siya noong araw na nakilala niya ito dahil pakiramdam niya ay mayroon ng nakakaintindi sa kanya pero sa isang banda ay nalulungkot din siya. Nalulungkot siya para dito dahil alam niyang hirap na hirap na rin ito sa pagsunod ng pagsunod sa mga utos ni Anthony.
Hindi kaila sa kanya na hindi basta-basta ang mga ipinag-uutos ni Anthony dito. Halata iyon sa mga bakas ng sugat sa mukha ng babae. Alam niya rin na nais na nitong umayaw sa grupo, natatakot lang ito sa maaaring gawin ni Anthony. Maging siya ay natatakot rin kaya ilang beses niyang sinasabi dito na huwag gawin ang bagay na iyon.
“Rachel Leigh,” masayang bati ni Sandra at niyakap siya ng mahigpit.
Buong higpit niya ring tinugon ang yakap nito. Matagal din silang hindi nagkita dahil madalas ay sa Cebu ito naglalagi dahil doon ang tunay na lugar ni Brian. Alam niyang hindi nito magawang humiwalay kay Brian dahil sa utang na loob at sa takot na rin sa lalaki.
“Mabuti naman at nagpunta ka dito nang wala si Brian,” sabi nito at hinila siya papasok sa loob. Pinaupo siya nito sa sofa. Tumabi ito sa kanya at hinaplos ang mukha niya. “Kumusta ka na?”
“Ayos lang naman ako, Ate Sandra,” bumuntong-hininga siya. “Ikaw? Maayos ka lang ba? May pinagagawa ba sa’yo si Anthony na nagpapahirap sa’yo?”
Bumahid ang kalungkutan sa mga mata nito. “W-Wala pa sa ngayon,” bumuntong-hininga ito. “Gustong-gusto ko na talagang makalaya sa kanya, Rachel. Pagod na pagod na akong maging sunod-sunuran sa taong iyon.”
Nakaramdam siya ng lungkot sa nakikitang paghihirap nito. Inabot niya ang kamay nito at hinawakan iyon ng mahigpit. “Nandito pa naman ako, Ate. Hindi ba sabi ko, ‘pag pagod ka ng makisama kay Brian, doon ka na lang sa bahay.”
Ngumiti ito. “Ayos lang naman ako kasama si Brian. Napagti-tiisan ko pa ang ugali niya.”
Tumango na lang siya.
“May pino-problema ka ba, Rachel?” narinig niyang tanong pa ni Sandra. Tinitigan siya nito na parang isang inang inaabot ang tunay na nararamdaman ng anak.
Napayuko siya. Hindi siya makakapag-sinungaling dito. Kilala na siya nito at alam nito kung may gumugulo sa isipan niya.
Bumuntong-hininga muna siya bago sinimulang sabihin dito ang tungkol sa pag-uutos sa kanya ni Anthony na subaybayan si Christopher, ganoon din ang utos nito para kay Elij.
Tumango-tango ito. “Alam kong aabot din tayo sa ganito. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lang ang galit ni Anthony sa Christopher na iyon,” tumingin ito sa kanya. “Hindi ba niya nababanggit sa’yo?”
Umiling siya bilang sagot.
Hinaplos nito ang buhok niya. “Anong plano mo?” may pag-aalala na sa mukha nito.
Bahagya siyang ngumiti. “Wala naman akong magagawa kundi sundin siya, hindi ba? Hindi ko nga lang alam kung paano magsisimula.”
“Nakita mo na ba ang Christopher na iyon?”
Muli siyang umiling. “Sa larawan ko pa lang siya nakita. Nabasa ko ang ilang impormasyon patungkol sa kanya sa files na ibinigay sa akin ni Anthony noon,” tumingin siya dito. “Kilala mo siya, hindi ba, Ate Sandra?”
Ngumiti ito. “Christopher Samaniego Jr.,” banggit nito sa pangalan ng lalaking iyon. “Sinong hindi makakakilala sa kanya? He’s the cream of the crop sa larangan ng business. Halos lahat ng negosyante ay gustong mag-invest sa kumpanya niya.”
Napangiti siya. “Mukhang napaka-husay niya talaga sa larangang iyon. Sa murang edad niya, napakarami niya ng naipundar.”
“Tama,” tumango-tango si Sandra. “Mukha namang nakamit niya ang lahat ng iyon sa sariling pagsisikap kaya hindi ko maintindihan kung bakit sobra-sobra ang kagustuhan ni Anthony na mapabagsak siya at makuha ang lahat ng pag-aari niya.”
Hindi niya alam pero nais niya na talagang malaman kung ano nga ba ang dahilan ni Anthony sa lahat ng ito. Magkakilala ba ang mga ito noon?
Napatingin siya kay Sandra nang maramdaman ang pagtitig nito sa kanya.
Marahan nitong hinaplos ang buhok niya. “Napakahalaga niyo sa akin, Rachel Leigh. Para ko na kayong tunay na kapatid, kayo ni Elij. Kung puwede nga lang kunin ko ang mga nagpapabigat sa damdamin niyo, gagawin ko. Ayokong matulad kayo sa akin na nagdurusa sa sumpa ng grupong kinabibilangan natin.”
Bumukal ang mga luha sa mga mata niya. “Mahalaga ka rin sa akin, Ate Sandra. Ikaw na lang ang tao sa mundo na itinuturing kong parang isang tunay na kapamilya. Masaya ako dahil narito ka para damayan ako sa mga problema ko.”
May mga luha na rin sa mga mata nito, punong-puno ng kalungkutan ang mga mata. “Gusto kong maging masaya kayo, Rachel Leigh. Gusto kong makahanap kayo ng sarili niyong kasiyahan.”
Marahan niyang ini-iling ang ulo. “Imposible, Ate Sandra. It was impossible for me to find happiness. Matagal ko ng kinalimutan ang tungkol sa bagay na iyon.”
Pinilit nito ang sariling ngumiti pero hindi pa rin nababawasan ang lungkot sa mga mata nito. “Nasasabi mo lang iyan ngayon, Rachel. Pero alam ko, balang araw, matatagpuan mo rin ang kasiyahang iyon. Maniwala ka lang.”
Tumango na lang siya kahit gusto niya pang sabihin na matagal na ring nawala ang paniniwala niya. Ayaw niyang makipagtalo dito. Alam niyang kabutihan lang niya ang iniisip nito at gusto niya ring mapabuti ito dahil mahal na mahal niya ito. Hindi man siya sanay magparamdam ng tunay na saloobin pero hinihiling niya na sana ay makita nito ang pagpapahalaga niya para dito.
BINABASA MO ANG
[Completed] The Breakers Batch 1 Book 10: Christopher Samaniego, Jr.
Roman d'amourThe founder of 'The Breakers Corazon Sociedad' - Christopher Samaniego Jr. - a very hardworking businessman that she met in the bar she was working on. Nagulat si Rachel Leigh nang bigla itong mag-propose ng kasal sa kanya. Hindi niya alam kung ano...