Dreams do come true, but forget to mention that nightmares are dreams too
Naranasan ninyo na bang hindi makalimutan ang inyong napanaginipan kahit nakamulat na kayo sa realidad? Paano kung ang mga panaginip na ito ay kakaiba? O sabihin na nating masyadong karumal-dumal. May pahiwatig kaya ito?
Itong istoryang ibabahagi ko sa inyo ay pawang katotohanan at walang bahid nang kalokohan. Kung may nalalaman kayong pahiwatig o mensahe sa mga ibabahagi ko, kung maaari po sana ay ipagbigay-alam ninyo sa pamamagitan nang komentaryo. Lubos po akong nagpapasalamat.
Umpisa. Ito ang unang panaginip na hindi ko makalimutan, yung kahit ilang taon na ang lumipas eh nakatatak pa rin sa aking isipan. Nasa may tubig ako, hindi ko alam ang eksakong lugar basta ang tanging alam ko eh basa ako. Tapos nakita ko ang lola ko, na binabalatan ako! Nakita ko ang dugong dumadaloy mula sa aking kaliwang braso sanhi nang pagtanggal ni lola ng aking balat. Tiningnan ko siya ng may pagtatanong sa aking mga mata, pero sinagutan niya lang ako ng ""sshhh""
Pangalawa. Nasa may tubig pa rin ako. Pero nasa may balsa kami. Oo, may dalawa akong kasama rito, pero hindi ko na matandaan ang kanilang itsura. May tinatakasan kami dito. Natatandaan ninyo pa ba ang palabas na ang kontrabida ay yung naka maskara na may butas butas? Opo, siya raw ang tinatakasan namin ng mga oras na yun. Habang ang mga kasama ko ay nag-aabang, ako naman ay palinga-linga lamang, nang walang anu-ano'y may narinig akong sigaw, sigaw na nanggagaling pala sa aking kasama. Nakita ko kung paano tinaga sa leeg ng naka-maskara ang aking kasama. Sa takot ko, agad akong tumalon sa tubig pero na-unsyami pa kasi nasabit ang aking palad sa kung anong nakausli doon sa balsa. Hanggang sa nakita ako ng naka maskara at may inilagay na kung anong bagay sa aking sugatang palad.
Nagising ako sa isang lugar na parang kulungan ng mga hayop, bukod sa madumi na ay mabaho pa. May nakabantay malapit sa pintuan, isang lalaki na maton. Pagkakita sa akin, lumabas siya at iniluwa roon ang isang babae na may angking kagandahan. May sinenyasan ang babae sa maton, at agad na lumapit ito sa akin. Walang habas niya akong pinagpapalo ng latigo. Pagkatapos niya akong pagsawaan, pinuntahan niya ang babae, binuhat saka binigay sa kanya ang latigo. At siya naman ang sumunod na saktan ako.Pangatlo. Dito naman, ay nasa bahay ako ng isang marangyang pamilya. Ang ilaw ng tahanan ay niyaya ako sa kanilang kuwarto, opo kuwarto, at binigyan ako ng pagkain, na sa pagkaka-alala ko ay noodles na may dumplings. Itinabi pa niya ako sa anak niyang malusog. Medyo nahihiya pa ako ng mga oras na yun, subalit, upang magbigay-galang sa nag-alok, kumain ako ng kaunti. Pagkatapos niyang makita na kinain ko ang pagkain ay binigyan niya naman ulit ako ng pagkain na pahaba na parang tinapay kung makikita sa unang tingin. Tinanong ko ang ilaw ng tahanan kung ano nga ba ang tawag sa pagkain na yun, itinuro niya lamang ang kahabaan ng kanyang leeg saka ngumiti. Ako naman, na walang kamalay-malay sa mga pangyayari eh, kumain ng kaunti. Pero hindi siya lasang tinapay. Lumingon ako sa mesa nila, kumakain ang kanyang asawa habang siya naman ay inalalayan nito. Napukaw ang aking tingin sa pugot na ulo ng babae na nakahanda sa kanilang lamesa. Ginalaw ito ng maybahay at laking gulat ko nang hiwain niya ang balat sa leeg ng babae saka inilagay sa dough at prinito! Nakakarimarim. Nang may tumunog na kung ano sa labas na hudyat upang ako'y makatakas.
Pang-apat. Itong panaginip ko na ito ay nangyari kani-kanina lamang. Hindi naman ako pagod kahapon o maging kanina kasi wala naman akong ginawa na mabigat, tapos na rin naman thesis namin (special mention ko si thesis, love ko siya eh. Hindi ko mabreak break haha) Bakit ko sinasabi na hindi naman ako pagod o ano? Kasi baka sabihin ninyong baka dala lang ito sa pagod o ang lalim siguro ng mga iniisip ko. Balik tayo sa kuwento. Dito naman, 3 pa rin kami. Tumatakbo kami rito, waring may tinatakasan. Tinatakasan namin ang isang elemento na lumilipad, hindi ko talaga maaninag ang kaniyang itsura. Sa aming pagtatakbo, nagkahiwalay kami ng landas. Habang ako ay napunta sa isang bahay, na red ang gate (namamangha ako kasi alalang-alala ko pa ang kulay ng gate) nakapasok ako sa bahay na kung kanino ay hindi ko alam. Naghahanap ako nang mapagtataguan ng mga oras na iyon. Nakapunta ako sa isang silid na sobrang lamig gawa ng airconditioner, agad kong isinara ang pintuan. Nang may marinig akong mga yabag papunta sa silid na pinagtataguan ko, patay na! Agad akong humiga, nagbabasakaling hindi ako makita ng kung sinong nilalang. Nakabukas pa rin ang aking mga mata ng mga oras na yun kaya naman ay nakita ko ang pigura ng isang imahe na nakatayo sa may bintana ng silid, gawa sa salamin ang bintana ng silid na iyon. Kumatok siya ng 3 beses, nang sobrang dahan. Agad kong pinikit ang aking mga mata, at saka pa lamang ako'y nagising. Paggising ko, sobrang lamig ng aking katawan. Wala naman akong airconditioner sa kuwarto at mas lalong walang bentilador, wala akong budget para sa bentilador huhu. Ayun na nga po, masyadong malamig, ramdam ko pati sa kaloob-looban ko. Nakapagtataka.
Kung pagtagpi-tagpiin, wala namang kahina-hinala. Subalit ang katanungan sa aking isipan ay hindi mawaglit. Bukod sa mga panaginip na aking isiniwalat, may mga panaginip rin akong puro paghahabol ang nangyayari. Mayroong bumabagal ang aking pagtakbo, mayroong sobrang bilis. Kung nahabol kaya ako? Maari bang mamatay na rin ako?
Salamat sa mga magbabasa at sasagot. Mahal ko kayo. Mwah. "
Sherringford
Pampanga

BINABASA MO ANG
Spookify 2017
HorrorTotoo ba talaga ang mga Multo?Aswang?Demonyo?Engkanto?O kung ano ano pang masasamang nilalang?Alamin natin ang ibat ibang storya ng ating mga spookifiers na nakaranas ng mga ka kilakilabot ma mga karanasan nila!