Hi po mga kaspookifiers! I have already posted here a story noon. Matagal-tagal na din so I decided to post another story.
Nangyari ito noong nakaraang taon pa. Madalas umuuwi si Tatay ko na halos maghahatinggabi na. Lasing. Wala sa sarili. At kadalasan ay galit pa. Madalas ding duguan ang mukha dahil nakikipag-away sa iba habang umiinom. Basagulero tatay ko para sa kanyang edad. Matapos na mamasada sa kanyang traysikel ay agad itong umiinom ng alak imbes na umuwi sa bahay. Madalas naman din niyang pinapagalitan si nanay. Bagay na hindi naman pinapatulan ni nanay dahil alam niyang wala sa katinuan dahil sa kalasingan. Habang ako naman ay palagi lang nagtutulug-tulugan habang nakikinig sa mga masasakit na salita ni tatay kay nanay. Wala akong ibang nagawa kundi makinig lang. Papagalitan ako pag makikialam ako sa kanya.
Pero biglang nagbago ang lahat.
Palagi nang umuuwi ng bahay ng maaga si daddy. Matapos mamasada ay umuuwi na ito na nasa katinuan at madalas pa ay hindi inaabutan ng dilim pag umuwi. Naging mabait si tatay. Hindi na siya naglalasing. Hindi na niya inaaway si nanay. Hindi na niya ako pinapagalitan. Hindi na siya tulad ng dati. Nagulat kami noon ni nanay. Ibang-iba lang kasi si tatay noon. Gusto ni nanay itanong kung bakit siya nagkaganyan pero may karapatan naman sigurong magbago ang tao diba, lalo na't alam niyang naging miserable siya noon?Paulit-ulit na ganito ang nangyayari. Bagay na sadyang ikinagalak namin ni nanay. Pero dumating ang isang araw.
Abalang-abala noon si nanay sa kakaluto ng paboritong ulam ni tatay at ako naman ay gumagawa ng takdang aralin. Mag-aalas 7 ng gabi na noon pero wala pa rin si tatay. Nagulat at nadismaya kami ni nanay, alam na naming baka bumalik na naman si tatay sa dati niyang bisyo. Kaya kumain na lang kami noong dalawa, matapos ay agad akong pumunta sa kwarto upang magtutulug-tulugan na naman, alam kong may ayaw na naman na magaganap mamaya. Mag-aalas 9 na din noon pero wala pa din si tatay. Agad naman ding pumunta si nanay sa kanyang kwarto upang humiga at antayin si tatay. Nang biglang may narinig akong yapak na parang tumatakbo. Biglang may malakas na pagkatok sa pintuan namin. Agad nagulat si nanay at agad pumunta sa pintuan upang tingnan kung sino. Agad naman din akong tumayo upang malaman kung ano talaga ang nangyari. Binuksan na ni nanay ang pinto at nagulat na si tatay pala iyon na hingal na hingal at basang-basa sa pawis ang likod niya.
"Isara mo agad ang pinto!" pahingal na tanging nasabi ni tatay. Nagulat kami noon ni nanay. Gusto kong malaman noon kung ano ang nangyari pero agad akong pinapunta ni nanay sa aking kwarto at may pag-uusapan daw sila ni tatay. Nakinig lang ako doon ng maigi. Alam kong hindi lasing noon si tatay, may ibang nangyari sa kanya at gusto kong malaman.
"Ano nangyari sa iyo?" tanong ni nanay.
"May humahabol sa aking nakaitim na lalaki kanina matapos akong bumili ng tinapay. Hindi ko gaanong maaninag ang mukha niya dahil madilim na din noon pero alam kong masama siyang tao" mangiyak-ngiyak niyang sagot.
"Agad kong pinaharurot ang traysikel ko kanina sa pag-aakalang malalampasan ko siya at umuwi na lang dito. Pero bigla akong nagulat nang nasa likuran ko na siya sa traysikel at walang mukha. Hindi ako mapakali. Inihinto ko agad ang traysikel ko para tumakbo na lamang pero palagi pa rin siyang nakasunod sa akin. Haggang sa makaabot ako dito."
Walang naging sagot si nanay. Tumahimik ang paligid. Nang biglag may kumatok na naman ng malakas. Dahil din sa aking pagkagulat ay agad akong bumangon at pumunta kay nanay upang malaman kong anong nangyari. Takot ang nakikita ko sa kanila. Hindi din nila alam kong ano at sino ang kumakatok kaya agad na pabulyaw na sinabi ni tatay na "Sino yan?!"
Wala naman ding sumagot habang patuloy pa din na may malakas na kumakatok sa pinto. Takot na takot na ako noon. Alam kong sila nanay din. Kaya walang ibang nagawa si tatay kundi magpakalalaki at buksan ang pinto. Pilit na mangiyak ngiyak si nanay na pinipigilan si tatay pero nagpatuloy pa din si tatay. Binuksan nga niya at nagulat kami na walang tao ang nasa pinto kundi ang isang puting pusa na nakatitig lang kay tatay. Agad naman ding umalis ito at isinara agad-agad ni tatay ang pinto. Matapos ang ilang minuto ng pag-uusap ni nanay at tatay sa kakaibang pangyayari ay naisipan kong humiga na naman. Habang hindi parin nawawala sa akin ang pangyayari. Mag aalas 11 na din noon at agad na lang sina nanay at tatay na natulog nang sa ganun ay makalimutan ang lahat. Sa hindi inaasahan ay nakatulog na din ako.
Kinabukasan ay nagising na lang ako sa malakas na boses ni nanay na sumisigaw. Agad akong pumunta sa kanilang kwarto at nakita ang katawan ni tatay na naninigas. Putlang-putla na si tatay. Hindi na din gumagalaw. Habang walang hinto naman si nanay sa kakaiyak. Wala akong ibang nagawa kundi nakatulala sa katawan ng tatay ko na wala ng buhay. Agad ipinunta sa ospital ang mga labi ni tatay noon kahit alam naming huli na. Nalaman naming namatay siya dahil sa atake sa puso habang natutulog. Hindi ako makapaniwala sa kinahantungan ng tatay ko. Matagal naman ding hindi nakalagpas si nanay noon. Mga ilang buwan din na hindi siya halos nagsasalita. Alam kong biglaan ang pangyayari pero mas nanatili sa kanya ang pangyayari na naranasan namin noong gabing iyon.
Bagong-bago lang namin nalaman na may nakitang bangkay na matagal na pala na nakababad sa ilog sa aming barangay. Malapit lang mismo ito sa tindahan kung saan umiinom noon si tatay at ang tindera mismo ang nakahalata dahil sa masamang amoy. Nang makuha na ang bangkay ay nalaman na lang namin na nakaitim pala ang suot nito at hindi halos malaman ang mukha dahil sa mga sugat na nang maimbestigahan ay mga suntok pala. Nalaman na lang din namin na walang ibang fingerprints ang nasagap noon ng mga pulis kundi ang kay tatay. Mga fingerprints mismo ni tatay.
Elisa Lam
BINABASA MO ANG
Spookify 2017
HorrorTotoo ba talaga ang mga Multo?Aswang?Demonyo?Engkanto?O kung ano ano pang masasamang nilalang?Alamin natin ang ibat ibang storya ng ating mga spookifiers na nakaranas ng mga ka kilakilabot ma mga karanasan nila!
