Misteryosong Bahay
Sabi nila kumalma daw na lang daw ako. Paano ako kakalma kung ang bahay na inuuwian ko na dapat sana'y komportable ako ang siyang nagbibigay sa akin ng dahilan upang mabalot sa takot ang buo kong katawan?
Sabi nila kapag lilipat ka raw sa isang bahay na gawa na, itanong mo sa may-ari ng bahay ang istorya. Ngunit hindi sapat na sa opinyon ka lang niya makikinig, dapat pakinggan mo rin ang sabi sabi. Dahil minsan, nagsisinungaling ang nagbebenta upang makawala na sa bahay na tila may sumpa at makalipat sa ibang lugar upang makalimot at magpakasaya.
Hindi sa amin ang bahay na tinutukoy ko, katapat namin. Pumunta kami sa isang barangay upang tingnan at suriin ang lilipatan naming bahay nang pinukaw ng katapat namin ang atensyon ko. Nakakita ako ng mag ina, nakahiga ang anak na lalaki sa hita ng nanay at tila nagkekwentuhan. Wala lang, hindi ko na lang pinansin. Wala naman akong mabigat na naramdaman sa bahay namin nung umpisa kaya okay lang din. Makalipas ang siguro'y isang taon na rin, saka ko lang nalaman ang nakaraan ng katapat naming bahay. Dati pala itong bahay paagasan at ang bata raw ay sa inidoro tinatapon saka binubuhusan para lumubog. Yung mga malalaking bata na, pinapatapon daw sa malayo. Pero hindi ako sigurado kung sa malayo na lang ba tinatapon kasi may bakanteng lote sa tabi nung bahay na yun. Madilim dito sa lugar namin oo, pero iba ang klase ng dilim na bumabalot sa katapat na bahay at sa katabing lote nito. Iba ang pakiramdam ko. Hindi ko man masiguro na bukas ang third eye ko, alam ko at ramdam ko, may kakaiba sa akin. Kakaibang bagay na hindi maramdaman ng iba. Kakaiba na hindi maintindihan ng mga taong nabubuhay ng normal.
Nagkagulo ang pamilyang nakatira sa tapat namin (Sila yung pamilyang nang aagas). Umalis ang mga anak pati ang asawang babae umalis na rin at pumunta na sa isang lugar sa Quezon. Ang nakatira na lamang dito ay ang matandang lalaki. Kinabukasan pagkatapos ng bagyong Glenda, namatay ang lalaki. Akala namin normal na pagkamatay lang kasi nastroke din siya. Pero ang mga nangyari sa mga sumunod na tumira sa katapat na bahay ay nakakapagtaka. Magulong pamilya rin ang sumunod na nanirahan doon. Kagaya nung una, puro sigawan, mga tamad yung iba at halos iisang babae lang ang kumikilos sa lahat, tawagin natin siya sa pangalang Pearl. Bago bago pa lang sila sa bahay ng namatayan na agad sila. Sabi ko noon sa sarili ko, may patay na naman? Kasi nga wala pang isang taon noong namatay yung matandang lalaki doon. Nag eensayo kami noong mga panahong yun para sa isang activity sa eskwelahan kaya hirap kaming dumaan kasi nga may burol (Pero nirerespeto namin yung burol, di kami galit).
Tapos nun, balik sa normal na buhay. Si ate Pearl, masipag siya. Nakakaawa nga kasi halos di siya tinutulungan ng mga kapatid niya. Nakikiigib siya ng tubig sa amin para di na nga naman siya lumayo. Mahirap magbuhat at payat pa siya. Ngunit isang araw, nagkaroon kami ng problema sa pera. Hindi na muna kami nagpaigib kasi yung tubig namin konektado sa kuryente at umabot na rin sa 3k bayarin namin noon. Kahit nakokonsensya kami, hindi na muna namin pinaigib kahit si ate Pearl. Balik ulit sa normal na buhay ang lahat. Hindi na rin sila masyadong nakikipag usap, ewan ko kung bakit. Hanggang sa isang araw, nabalitaan namin na patay na si ate Pearl (Hindi ko na ikekwento ang buong pangyayari dahil privacy nila yun, at hindi rin naman kami sigurado, iniimbestigahan pa ng SOCO yung nangyari). Ewan ko pero parang naramdaman din yata nung mga nakatira dun na may mali sa bahay kaya napagpasyahan nilang lumipat. At kahapon, natapos sila sa paghahakot kaya balik sa dating itsura ang bahay. Nakakatakot at madilim.
Ngunit kahit noon pa lang na hindi pa sila tapos maghakot, noong nalaman kong patay na si ate Pearl, ay nagsimula akong makaramdam ng kakaiba. Hindi ko alam kung ano yun pero sa tuwing uuwi ako dito sa bahay lalo na pag gabi, pakiramdam ko may kasama ako. Kaya ayaw kong nagpapaiwan sa salas kahit pa gusto kong mapanood yung TIMY hindi na ako nanunuod kasi pakiramdam ko may kasama ako. Pagpasok ng lola ko sa kwarto, papasok na rin ako. Uubusin ko na lang ang oras ko sa facebook. Tapos kanina, habang kausap ko mga kaklase ko, may hangin akong naramdaman malapit sa akin. Parang taong lumakad ng sobrang lapit sayo. Yung electric fan namin ay nakaharap papuntang kusina, sa may bintana nakapwesto, pero yung hangin ay galing kusina papuntang pinto kung saan nakaharap yung bahay. Kahit hanggang ngayon na tinatype ko 'to pakiramdam ko may nakatingin sa akin. Nagdadasal ako at nawawala naman.
Ayaw ko sanang mawalan ng nakatira sa tapat bahay namin dahil marami akong hindi magandang nararamdaman pero paano kung totoo ang sinasabi nilang sumpa? Paano kung naniningil nga ng buhay ang mga sanggol na hindi nabigyan ng pagkakataong ipanganak at masilayan ang mundo, ang mga sanggol na nasa sinapupunan pa lamang ay pinahirapan at pinatay na agad? E di bawat pamilya na titira dito ay mamamatayan? Hindi ko kayang masilayan ang bawat luha at pighati ng mga pamilyang nawalan at nawawalan.
Chabs
BINABASA MO ANG
Spookify 2017
HorrorTotoo ba talaga ang mga Multo?Aswang?Demonyo?Engkanto?O kung ano ano pang masasamang nilalang?Alamin natin ang ibat ibang storya ng ating mga spookifiers na nakaranas ng mga ka kilakilabot ma mga karanasan nila!
