Chapter 99: Pagdanak
Pumasok na sila Myrna, Red at Manolo sa loob ng bahay matapos palayain ni Baby Boy si Manolo at ibigay naman ni Myrna ang secret files.
"Alam mo ang pangit mo Myrna! Bakit mo ako pinagpalit sa secret files!" Tanong ng kanyang nakatatandang kapatid.
Imbes na sumagot ay niyakap niya ito. Isang napakahigpit na yakap. "Kapatid kita kuya. Hindi ko kakayanin kapag mawala ka. At sa tingin mo ba kakayanin ni Yberr kapag nawala ka? Ha? Hindi ba't siya ang dahilan kung bakit ka narito? Ganoon nalang ba 'yun? Paano mo malalaman ang kalagayan niya kung patay ka na?"
Umalis ito sa pagkakayakap sa kanya. Huminga ng malalim. "Kumusta na kaya siya? Hindi ko inakalang mahuhuli ako ng mga tauhan ng pekeng Diyos. Hating gabi na pero may checkpoint pa paakyat ng Baguio. Mukhang lihim nilang pinapahanap ang pamilya natin at ng mga kakampi mo Myrna. High tech ang mga phone scanner nila. Nakilalang kapatid mo ako."
"Sabi na nga ba. Wala lang press release pero mas mapanganib si Xavier ngayong wala na si Jonathan sa palasyo." Napailing siya.
"Nabalitaan nga namin 'yang paggawa ng zombie ng ex mo. Baliw talaga 'yun eh no. Ibang klase. Pero paano na 'yun Myrna ha? Nasa mga kaaway na ang dokumento tungkol sa bakuna."
"It's part of the plan kuya." Nakangiti niyang tugon.
"Plan? Anong ibig mong sabihin?"
"Napanuod namin sa balita kahapon ni Prances na nag-aalala na ang mga tao, dahil wala pang bakuna para sa mga taong infected ng Desire V-30 virus. Mas nag-aalala ang mga taong na-infect dahil sa ulan na nilikha nila Xavier. Malapit na ang thirtieth day of infection nila. Kapag sinabing 'sila' ay seventy percent ng population ng buong mundo ang usapan. Wala kaming kapangyarihan para makapag-produce ng bilyong dosage ng bakuna. Sina Xavier ang may kakayahang gawin 'yun."
"I-ibig sabihin ay kasama sa plano niyo at sinadya niyong ibigay ang files 'dun sa lintik na 'yun?"
Tumango siya. "Ganoon na nga kuya. We have no other choice. Kagabi habang naghahapunan kami ay nasabi na namin sa buong team ang plano." Lumingon siya kay Red. "Sumang-ayon naman sila kahit na may pag-aalinlangan. Wala na kaming espiya sa loob ng palasyo kaya hindi naman alam kung kailan nila kami pupuntahan dito. Hindi ko naman akalaing after one day lang ay nandito na sila. Siguro dahil nakuha ka nila. Ginawa ka nilang pamalit sa secret files. Hindi nila alam na mas maganda ang ginawa nila. Hindi nila mapapansing sinadya naming maibigay sa kanila ang files."
"Nasaan na ang iba niyong mga kasamahan? Umakyat na ulit tayo ng Baguio. Puntahan natin si Yberr."
"Sige tara na. Doon na tayo mag-catch up." Nagtungo sila sa likod. Paakyat na sana sila ng pader nang makarinig sila ng sunud-sunod na putok ng baril.
"Diyos ko po." Hindi na muna siya tumuloy sa pagsampa sa pader. "Baka may ginawa silang masama sa mga kasamahan natin."
Dali-daling sumampa si Red. Wala itong pakialam. Kahit kailan ay matapang ito.
.....Isa-isang tumawid sina Prances sa pader papunta sa kapitbahay nila Myrna. Partners sila. Ang ka-partner ni Caloy ay si Ruby, hindi si Liza. Ang umalalay kay Liza ay si Rona. Samantalang siya, karga niya si Hope at hawak naman sa isang kamay si Maliah. Si Caloy at Ruby ang may dala ng kanilang mga gamit at supplies.
Nakatawid na silang lahat. Wala namang nakahuli sa kanila na Team Spider. Hindi nga alam ng mga ito ang lihim na daan na iyon paalis sa bahay nila Myrna. Gayunpaman ay natagalan sina Myrna, Red at Manolo na makabalik. Baka nahihirapang kumbinsihin ng kasintahan na palayain ang kapatid nito.
Didiretso na sana sila sa van nang biglang may lumabas sa bahay. Sa kapitbahay nila Myrna. Laking gulat nilang lahat. Isang matabang lalaki. Malaki ang tiyan. Tila lasing pa ito.
"Shino kayo?" Tanong nito habang gumegewang. May hawak pa itong isang bote ng alak.
"Ah sir makikiraan lang po kami." Saad ni Prances.
"Bawal dumaan dito! Shaan kayo galing ah? Bakit kayo galing sa likod? Bahay 'yun nila Myrna ah, 'yung namatay dahil kinontra ang Panginoong X! Mga kaaway ba kayo?"
Napaurong sila. Binaba ni Caloy ang mga dala. Tila mapapaaway pa sila.
"Caloy wag." Pagpigil niya rito. "Sir dumaan lang po kami. Nagtatago po kasi kami dahil sa pandemic. Natatakot po kaming mahawa. Nagkataon po na bukas ang bahay na pinanggalingan namin. Tumuloy lang po kami sandali para magpahinga. Sana po ay hayaan niyo na kaming makaalis."
"Mga hangal! Sumamba nalang kayo sa Panginoong X! Walang silbi 'yang pagtatago ninyo!" Biglang umiyak ang lasing na lalaki. "Nahawa ang asawa't mga anak ko dahil sa virus na 'yan! Lahat sila ay nakita kong namatay sa desire nila. Ang asawa ko kumain ng pera. Papel at barya. Ang panganay ko nagpasagasa sa kotse. Ang gitnang anak ko naman ay nakuryente. Ang bunso ko ay nalunod dyan sa dagat! Namatay silang lahat! Ako lang ang hindi nahawa! Ako lang ang nakaligtas! Dapat lang kayong sumamba sa Panginoong X! Ililigtas kayo ng buhay na Diyos!"
"Demonyo at baliw ang Panginoong X mo pati na ang mga tauhan niya!" Hindi naiwasan ni Ruby na sagutin ng pabalang ang lalaki.
Napailing nalang siya. Tinitigan niya ito upang tumigil na pero hindi ito nagpaawat.
"Anong sabi mo?"
"Demonyo at baliw ang Panginoong X mo! Ah wait, peke rin siya! Hindi siya totoong Diyos!"
Pinalo ng lalaki ang bote ng alak sa pader dahilan upang iyon ay mabasag. Saka nito iniadyang sasaksakin sa pamamagitan ng bubog si Ruby.
"Sir tama na po 'yan!" Sigaw ni Prances.
"Ano?! Ituloy mo! Totoo naman eh! Totoo ang lahat ng sinabi ko sa Diyos mo! Malamang kaya buhay ka pa ay dahil pinabayaan mo ang pamilya mo! Tingnan mo nga ang itsura mo! Mukha kang palamunin. Batugan! Lasinggero!"
"Putang ina mo ka!!!"
Saka nagsunud-sunod ang putok ng baril. Napaupo nalang si Prances habang yakap ang dalawang anak. Napansin niyang nagtatakbo naman palayo ang iba niyang mga kasama. Yabag ng mga tao ang sunod niyang narinig. Tumingala siya upang tingnan ang mga 'yun.
"Diyos ko po." Naluha siya sa nakita.
Nakahandusay ang dalawang bangkay sa kanyang harapan. Naliligo sa sariwang dugo.
BINABASA MO ANG
PANDEMIC DESIRES
Science FictionAnother LGBT story and my very first girls love and sci-fi novel. :) 2030, Eleven years na ang lumipas mula nang maganap ang malagim na pandemya sa mundo dahil sa COVID-19 virus na nagmula sa China. Mula nang maganap ang pandemya ay mas naging handa...