Chapter 125: Variant X
Nagtungo si Rona sa pinanggagalingan ng mga boses. Dahan-dahan lang siya. Lagi rin siyang tumitingin sa kanyang likuran dahil baka naroon na si Jonathan. Napaka-haunted pa man din ng lugar. Baka pati multo ay naging totoo na rin at nabuhay na ni Jonathan tulad ng mga zombie kung saan niya itinulak ang kanyang pinsang si Sammy.
"S-sino 'yan?" Mahina niyang tanong sa labas ng pinto kung saan nanggagaling ang boses. May maliit ding butas mula roon. Sumilip siya. Napupuno ng liwanag mula sa gasera ang loob ng silid. Dahilan upang makita niya ang mga taong naroon. Siksikan. Mas lalo siyang nagulat nang makitang naroon si Romina, ang ate ng bulag na si Donita. "R-romina? Anong ginagawa mo dyan?"
"Ms. Rona? Ikaw po ba 'yan? Tulungan niyo po kami."
Malakas ang boses nito kaya pinahinaan niya 'yun. "Wag mong lakasan ang boses mo. Patahimikin mo rin ang mga kasamahan mo dyan. Baka marinig tayo ni Jonathan." Tumingin siya sa kanyang likod.
"Pssssh! Wag kayong maingay mga kasama." Saka siya muling hinarap nito. "Iligtas mo po kami ma'am. Kinuha kami 'nung Sammy para gawing army of the dead ni Jonathan. In-infect na muna nila kami ng Desire V-30 virus. Tapos sa tamang panahon daw po ay gagawin kaming mga zombie upang mapabagsak si Xavier. Ano pong ginagawa niyo rito? Kakampi po kayo ng demonyong 'yan?"
"Kasama ito sa plano namin nila Myrna. Akong bahala sa inyo. Ililigtas ko kayo. Ngunit ngayon. Hindi pwedeng masira ang tiwala sa akin ni Jonathan." Saka niya narinig ang yabag ng paa pababa sa hagdan. "'Yan ang nararapat sa inyo! Kung gagawin man kayong zombies ni Jonathan ay deserve niyo 'yan! Kayo ang magsisilbing militar ng susunod na titingalaing buhay na Panginoon! Magdusa kayo dyan! May maganda kayong kalalagyan! Hahaha!" Kunyari'y umarte siya saka siya lumingon sa likod.
"Nakita mo pala sila Rona." Papalapit na sa kanya si Jonathan.
"Humihingi sila ng tulong sa akin. Gusto nilang palayain ko sila. Well, nagkamali sila ng hiningan ng tulong."
"Magaling Rona. Magaling. Sa oras na ako na ang nakaupong Panginoon sa Heaven's Palace ay sisiguraduhin kong magiging Santa ka. Salamat dahil naging mapagkakatiwalaang kaibigan kita mula noon hanggang ngayon."
"Ako ang dapat magpasalamat sayo Jonathan. Zombie na rin ngayon ang hayop kong pinsan na pumatay sa aking mga magulang. Susunod naman ay ang hayop na si Ralph. Hindi ako titigil hangga't hindi nawawala ang lalaking 'yun. Hindi ako matatahimik at hindi ako magiging mabuting ina hangga't alam kong humihinga ang lalaking 'yun na bumaboy sa akin." Mas lalo pa niyang ginalingan ang pag-arte upang kahit kaunti ay hindi siya pagdudahan nito.
.....Samantala, kinabukasan sa cabin kung saan naroon sina Myrna ay nagtungo sila sa likod matapos mag-almusal.
"Kumusta na kaya sila?" Tanong ni Myrna kay Caloy at sa kapatid na si Manolo.
"Kakaiba talaga sila." Tugon ni Caloy. "Hindi ako makapaniwala na mayroong ganitong klase ng mga infected. Sa dami ng nakita nating kaso ng infected ng Desire sa China ay may ganito pala."
"Hindi rin ako makapaniwala." Saka naalala ni Myrna ang ikinwento sa kanya ni Prances na unang nadiskubre nito at ni Red.
Nangyari ang lahat noong bago sila magtungo nila Prances at Red malapit sa Heaven's Palace upang kumuha ng bakuna. Noong nalaman nilang maraming mga Team Spider ang nasa paligid.
Tumahimik na nga siya. Imbes na kabahan at matakot ay tila alam ni Red ang ginagawa at may ideya rin si Prances dito. Mas may tiwala siyang hindi gagawa ng mga padalus-dalos na desisyon ang mga ‘to kesa sa kanya. Kaya naman naghintay sila roon sa likod ng gate nang halos labin-limang minuto. Ilang sandali pa’y nakarinig na siya ng mga ungol. Ungol ng hindi nababaliw na mga hayop kundi mga tao.
“Saan galing ‘yun? Mga infected ba ‘yun?” tanong niya.
Walang anu-ano’y pumasok na si Red sa pinto sa gilid ng gate. “Tara na dali!”
Kagyat nilang ‘tong sinundan. Sa labas ay nagkakagulo nga ang mga Team Spider dahil may tatlong lalaki na infected ang nagwawala sa kalsada. Tila napagkaitan ang mga ‘to ng kanilang mga desire kaya nagwawala. Pinagbabaril ng Team Spider ang tatlong lalaki.
Kinagabihan nang nasa cabin na sila ay naalala ni Myrna ang naganap na 'yun.
"Paano niyo nalamang mayroong mga infected sa Session Road?" Tanong niya kay Red.
"May mga kakaibang kaluskos sa katabing bahay natin eh. Kaya naman sinilip ko. May tatlong lalaki na nakakulong sa hawla ng aso sa labas ng bahay pero nasa loob ng bakuran. 'Yun ang pinakawalan ko para sumugod sa labas at para matuon ang pansin ng mga taga-Team Spider sa mga 'to." Huminga ito ng malalim. "Mabuti't pinaalala mo 'to Myrna. Naroon pa sina Caloy hindi ba? May kailangan silang kuhanin ang sa bahay na 'yun."
"Kuhanin?" Nagtataka niyang tanong dito. "Ano namang kukunin nila sa kapitbahay natin sa Session?"
"'Yung tatlong lalaki na nakakulong ay parang mga tauhan lang sa bahay na 'yun. Pero nandoon pa ang talagang may-ari ng bahay. Infected din sila. 'Yung padre de pamilia ay puno ng dugo ang damot p-pero..."
"Pero?"
"Pero nakakapag-isip pa rin siya ng maayos."
"Anong ibig mong sabihin? Baka naman infected nga siya pero wala pang thirty days."
"Hindi eh Myrna. Puno ng dugo ang kanyang bibig, kamay at damit. May kinain siya. Pero nagawa pa rin niya akong kausapin. Tinanong niya ako kung anong gagawin ko sa mga tauhan niya. Kalmado siya at hindi nagwawala." Nakipagtitigan sa kanya si Red. "Papupuntahin na rin natin dito sina Caloy hindi ba? Kailangan nating silang masabihan na dalhin dito ang lalaking 'yun at kung may mga kasama pa siya sa bahay na 'yun. Iba talaga ang kutob ko."
"Naiintindihan kita Red. Maaaring nag-mutate na ang Desire V-30 virus. Baka ibang variant na ang nasa katawan ng lalaking 'yun. Maayos pa rin itong nakakapag-isip kahit more than thirty days na at kahit hindi nito nakuha ang desire nito. Iyon ang nakikita kong dahilan."
"Yan din ang duda ko."
Matapos nilang mag-usap ay kaagad na nga niyang tinawagan sina Caloy upang pasunurin ang mga 'to sa cabin. Mahigpit din niyang bilin na puntahan at kuhanin ang kanilang kapitbahay sa Session Road.
BINABASA MO ANG
PANDEMIC DESIRES
Science FictionAnother LGBT story and my very first girls love and sci-fi novel. :) 2030, Eleven years na ang lumipas mula nang maganap ang malagim na pandemya sa mundo dahil sa COVID-19 virus na nagmula sa China. Mula nang maganap ang pandemya ay mas naging handa...
