DREAMER>>> Hi! Ako si Dreamer at gusto kong maging isang mahusay na manunulat. Nagpunta ako sa panaginip ni Kuya Brian para makahingi ng tulong kung paano gumawa ng isang kwento. At siyempre, ako lang ang nakakagawa nun. Marami na siyang ibinahagi at naituro para sa akin. Sa kabanatang ito naman, ito na ang pinakahihintay ko kung anong klase ng "technique" nga kaya ang ituturo niya sa akin. Nasasabik na akong malaman ito. Ehehe.
***
At ngayon naman, ituturo na ni Brian ang ilang paraan na kanyang nalalaman sa pagsusulat ng kuwento kay Dreamer sa abot ng kanyang nalalaman...
"Balik-tanawin natin ang mga naituro ko sa iyo, mabilisan lang ito." Sinabi ito ni Brian habang may nag-f-flash na mga imahe sa blackboard, "Sa kwento, naituro ko na sa iyo ang mga parte ng kwento at kung anu-ano ang mga papel ng bawat istorya sa loob nito mula sa mga tauhan at sa pangyayari. Ang tawag dun, literature."
"Literature!" Ulit naman ni Dreamer.
"Isa pang paraan para matutunan ng isang manunulat ng kwento ay ang tamang paggamit ng pangungusap. Ito ang ituturo ko sa iyo ngayon, ang paggamit ng salitang grammar." Nakangising sinabi ni Brian. Lumitaw ang salitang iyon sa harap ni Dreamer.
"Grammar." Aniya.
"Alam mo ba ang ibig sabihin nito?" Tanong ni Brian.
"Grammar, ito yung tawag sa tamang pagsasaayos ng mga salita o numero at mga simbolo sa isang pangungusap." Ang sagot ni Dreamer habang binabasa ang miriam-webster nang naka-eyeglass pa.
"At saan mo naman nakuha ang mga iyan?" Nabigla pa si Brian, kunsabagay hindi nga pala niya nilikha sa panaginip si Dreamer kaya hindi niya iyon mapapansin. Napatawa na lamang si Dreamer dahil dito.
Balik sa seryosong talakayan.
"Alam mo ba Dreamer na ang hinihingan mo ng tulong kung paano gumawa ng kwento ay mahina sa grammar?" Nagbigay pa ng weakness si Brian niyan.
"Mahina kayo sa grammar Kuya? How come?" Nanliit ang mga mata ni Dreamer. Parang ayaw maniwala eh. Tumango naman dito si Brian.
"Sige na, maniwala ka na."
"Ayaw. Namimilit ka eh." Sabi ni Dreamer nang nakacross arms pa.
"Sa paraan ng paggamit ng mga salita sa isang pangungusap ay maraming paraan at tawag sa mga ito. Atin namang napag-aralan sa eskwela ang Parts of Speech at saka yung Figure of Speech di ba. Malaki ang naitutulong nun sa pagbuo mo ng isang istorya." Paliwanag ni Brian.
"Ahh, ganun pala yon Kuya." Ang sabi ni Dreamer. "Anu-ano nga po ulit yung mga salitang iyon kuya Brian?"
"Hindi ako guro sa subject na yan Dreamer, sinasabi ko lang ito sa iyo dahil yun lang ang alam ko. Tsaka namimihasa ka na sa akin ha... Kalabisan na ang pagtanong mo sa akin ng ganyan." Ang totoo mahina nga sa mga ganito si Brian.
"Ang sungit naman... Pero teka Kuya, kung mahina po kayo sa grammar, bakit po kayo nakakagawa ng isang istorya na naiintindihan naman ng mga mambabasa?" Ang tanong pa ni Dreamer. Ngumisi na naman si Brian.
"Alam mo Dreamer, may dalawang klase ng mambabasa at ganundin naman sa manunulat. Sa mambabasa, may isang fan na ang habol sa istorya ay malibang at isang kritiko na hinahanapan ng mali ang iyong kwento at klase ng pagsusulat. Sa manunulat naman, may isang metekulusong writer na ingat na ingat sa kanyang salitang ginagamit sa kwento at may writer naman na galasgaw sa pagkwento. Alinman sa dalawa diyan ay maeenkwentro mo rin pagdating ng araw. Naroon ako sa klase ng manunulat na hindi perfectionist. Inaamin ko na may mga pangungusap ako na hindi tama at spelling na mali. Anu't ano pa man ang mga iyon basta kaya kong magkwento ay ok lang yun. May mga readers naman gaya ng fan ang hindi pinapansin yon. Blending lang kumbaga." Naentertain si Dreamer sa mga sinasabi ni Brian dahil may mga imahe ang naglilitawan sa blackboard habang nagsasalita siya.