Ang nakaraan sa Kamote Nexus...
Nang matapos na ang mga bida sa kanilang misyong pabalikin sa Kamote Kingdom ang mahal na haring si Hero ay muli ng nagbalik sa dati ang lahat maliban sa isa. Habang ang lahat ay nagsasaya, may isang reyna ang nabago ang kapalaran at ginawang katulong, si Inday Lor. Siya ay pinalayas sa palasyo sa kadahilanang pagsira niya sa dapat sanang romansa nina haring Hero at huwad na reyna Angelica. Upang makaganti at mabawi na rin ang kanyang trono, tinungo niya kasama si Erick ang lupain ng gatas, sa tindahan ni Mary Joy. Kakailanganin niya ang reversal potion para mawala ang hipnotismo sa mga tao. Upang magawa ito, isang sangkap ang kanilang kukunin, ito ay ang fishball na korteng kamote na tinitinda naman ng mag-asawang sina Harold Acenz at Reneth Acenz. May alitan sa negosyo sina Mary Joy at ang mag-asawa pero ito ay nawala nang dahil sa mahiwagang boses ni Inday Lor ( dahil sa pagiging videokequeen siguro ) at sila ay nagkabati. Bumalik sila sa bahay ni Erick para simulan ang pag-atake sa palasyo, kay Reyna Angelica. Subalit, isang hindi inaasahang balita ang kanilang napanood sa Tv na pinangungunahan ni Haring Hero. Sila di umano ay mga kriminal at pinaghahanap na ngayon ng batas! Di lamang yan, meron pang pabuya sa oras na sila ay madakip. Ano ang gagawin ng grupo?
Sa kabilang dako naman, dumating ang Private Adviser na si Paulene at kinausap sina Brian at Ydann tungkol sa kanyang mga nakikita na mangyayari sa hinaharap. Bukod dun, pinagtalunan pa nila kung kanino mapupunta ang golden kamote seed; kay Aikie o sa lalaking nakikita sa hinaharap ni Paulene? Nang matuklasan ni Paulene ang lihim ni Reyna Angelica ay agad niya rin itong ibinalita sa dalawang kaibigan. Ngunit, sa kasamaang palad, siya ay pinalo sa ulo ni Roy na nagbabalak angkinin ang golden kamote seed sa kamay ni Brian. Ano na ang susunod na mangyayari?
Sa pagpapatuloy ng ating kwento...
"My Hero, salamat sa pananawagan mo ha, mapapanatag na ako kapag mahuli na ang mga sangkot sa Kamote Barrel Scam." Ang sabi ni Reyna Angelica na ngayo'y nakalambitin sa bisig ng hari.
"Basta ikaw my Angel, gagawin ko ang makakaya ko mahuli lamang ang mga magnanakaw at kriminal na iyon." Ito namang si Haring Hero, nagpapaniwala sa mga kasinungalingan ng kalaban, "Hindi ko alam na nagpapatuloy pala ako ng ahas sa palasyo. Buti at napalayas ko ang katulong na iyon dito."
Katatapos lang ng prescon sa palasyo. Ngayon ay nagtungo na sila sa kanilang opisina. Subalit, andun at nakaabang sa kanila ang mahal na prinsepe. Hinihintay nito ang kanilang paglapit.
"Anak, may kailangan ka?" Ang tanong ni Haring Hero.
"Sabihin mo nga sa akin kung ano itong kalokohang pananawagan na ginawa mo kanina Hero?" Masama yata ang timpla ni Prinsepe Bubblegum, "Kung makapagkamote hunting ka sa kanila, para mo na rin silang hinusgahan? May proweba ka ba na sila ay sangkot sa kamote barrel scam?" Heto na ang patutsada ni Prinsepe Bubblegum. Hindi makasagot ang hari, nagbuffer pa ang kanyang utak.
"Anak--" Si Reyna Angelica.
"Isa ka pa Angelica, saang puno mo naman sinungkit ang pagsabing ang mga iyon ay mga kriminal? Halata namang gawa-gawa mo lang iyon. Siguro galit ka sa mga taong pinaghahanap ngayon ng awtoridad." Aba, tumatalino na ang prinsepe ha, nasa posisyon kaya siya para pangaralan ang magulang.?.
"Ah-ahm..." Nabubulol na sabi ni reyna Angelica, *Grabe naman tong batang to, kanino ba siya nagmana? Napakabastos niya! Kailangan ko na talaga siyang ligpitin bago pa niya mahahadlangan ang mga plano ko!* Hanggang ngayon wala pa ring proseso yan Angelica, puro ganyan ang iniisip mo.
"Anak, saan ka pupunta?" Alalang tanong ni Haring Hero. May punto naman ang kanyang anak sa paratang na humantong sa pananawagan. Pero hindi na niya pwedeng bawiin ang kanyang mga nasabi na... Nakakasa na kasi yon.