KILALA MO BA AKO?

385 18 0
                                    

"KILALA MO BA AKO? "

Pre, yosi at bubblegum gusto mo?
Baka mainip ka kasi sa ikukwento ko,
Ikukuwento ko lang naman y'ong mga karanasan ko,
Di sa pagmamayabang pero dati, tingin sa akin ng mga kapitbahay ko? Artista ako,
Madaming nahuhumaling sa angking gandang lalake ko,
Ewan ko ba! Hindi naman ako mayaman, may kaya lang ako,
Hanggang sa dumating ang unang babaeng sumira sa buhay ko,
Naging alila ako at sunud-sunurang aso,
Tumagal ng matagal ang relasyon namin, hanggang sa may babae na namang nagkagusto sa akin,
Akala ko sya na yung bigay ng heaven,
Akala ko s'ya na magtatanggal ng aking pagka-alipin,
Pero gaya nung una, halos lahat ng meron sa akin,
Sinulot nya rin,
Unti-unti ulit akong bumangon,
Hanggang sa may babae na namang handa raw sa aking tumulong,
Binigyan ko naman ng pagkakataon,
Ayon! Katangahan na naman ang nagawa kong y'on!
Kasi lahat ng naipundar ko sa tulong nya?
Tinakbo nya rin, may interes pa!
Hahahahaha. Nakakatawa diba?
Pero hindi nakakatawa yung abusong natanggap ko sa kanila,
Sa bawat parte ng katawan ko ay may sunog ng upos ng sigarilyong kanilang hinihipa,
Sa bawat parte ng katawan ko ay mayroong mga pasa,
Sa bawat parte ng katawan ko ay may tumutulong dugong ayaw malunasan kahit ng sino pa,
Ang mga atay ko'y may latay na,
Ang mukha ko? Burdado na ang kagwapuhang dating tinitingala,
At ang malalang balita? Nagkaanak ako sa kanila...
Oo, sa tatlong babaeng sa katawan ko ay umalipusta,
Madami akong naging anak sa kanila,
Yung iba naman nasa ibang bansa na,
Sa Europe, Sa America, Sa Japan at sa iba't ibang panig pa ng mundo,
Pero yung iba kong anak, mas nanatili sa puder ko.
Ewan ko ba kung bakit maka-papa ang mga ito,
Pero 'yang mga anak ko? Maipagmamalaki ko!
Magagaling sa iba't ibang larangan 'yan!
Sila pa ang nagiging dahilan para dagsain ako ng kababaihan!
Pinaayos nila ang katawan kong puno ng pasa,latay at duguan,
Ayon! Balik sa dati ang aking kagwapuhan!
Ang dami pang parokyano na nagbabayad lang para makita itong aking kakisigan!
Yung mga banyaga? Libo libo ang dumadating sa bahay namin buwan buwan!
Tinatanong nga nila kung ano ang aking pangalan..
Ayy! Nakalimutan ko palang magpakilala! Pilipinas nga pala!
'Yung mga 'bundok' na mistulang tigyawat sa aking katawan? Talagang dinadagsa!
Ang mga 'kagubatang' mistulang buhok sa katawan ko? Talagang binibisita!
Ang mga 'kwebang" nagmistulang ilong ko na? Aba'y pinapasok talaga nila!
Talagang napakahusay ng mga anak ko,
Sila pa mismo ang nagtulak para sa isang 'frat' e sumali ako,
Pero sa 'frat' na ito? Mas lalo akong naging maganda sa mata ng lahat ng tao!
Umunlad ang mga negosyo ko!
Umangat ang kagandahan ko!
Naging sikat ulit ako, sa tulong ng mga anak ko, at ng 193 na ka'brother' ko sa frat ko.
Ikaw? Balak mo bang sumali at malaman kung ano ang frat ko?
Alam mo na ba kung anong frat ang sinalihan ko?
Tinatawag lang namang 'United Nations' to!
Kanino ko pa napapansing magkamukha tayo,Ayy anak pala kita!
Hanggang dito nalang anak ko, matutulog muna si Papa!

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon