Untitled

91 4 0
                                    

-Kuya Ian

Minsan sa isang lansangan
maraming bilad sa ulan sa ngalan ng kakarampot na barya
buhay nila ay hindi naging masaya
mistulang nagtatanghal sila sa isang pipitsuging perya
habang ang apoy na kumakain sa kanilang buong katawan
ay ang kagutuman
habang ang ibinabatong patalim sa kanila
ay ang sariling patalim na kanilang kinakapitan
habang ang taling mag-aangat sa kanila
ay ang tanikalang nakagapos sa mga leeg nila.

Basahin mo ang kuwento ng mga batang hindi marunong sumulat at magbasa
Ngunit sa murang edad ay naibenta na nang mura ang kanilang buhay
para mabuhay.

"Inay, nagugutom na po ako. "
"Anak, patawad wala nang natira sa ulam nating buto."
Hindi makakain nang maayos hindi dahil sa ingay ng kalsada
Kundi dahil sa ang laman ng plato ay hindi nila makita
Walang nag-aalok kumain sapagkat ang kapitbahay ay wala rin
Ni hindi alam ang lasa ng tamis,asim o pakla,
At ang laman ng baso nila ay hindi tubig NAWASA
kundi ang naipong barya sa paglilimos kanina.

Heto na naman tayo
mapipilitang banatin ang buto
kinse anyos pa lamang po ako
nang matuto sa gawaing makamundo
alam ko pong salot tingin ninyo sa mga katulad ko
Mga gamugamong sabik sa ilaw ng poste ng Meralco
Mga batang naglalaway sa kinang ng tansong piso
Mga batang baso ang hawak sa umaga
sa gabi naman ay ang hinasa na lanseta...

Lalabas na naman ako at magpapakain sa dilim ng kalsada,
Susubukan kong lumaban, titignan kung mayroon pang pag-asa
na magbago ang tingin nila
o may magbago sa katulad kong hindi inaabot ng pagbabago na ipinapangako nila.

Pero sa tingin ko ay mas lalong lalabo ang mga mata nila
O magbubulag-bulagan kapag niliwanagan ko sila
Bahala na si Batman, bahala na si Bathala

Kaya sige, takbo!
Makipagpatintero ka kung kinakailangan
Ngunit kahit subukan mong takbuhan ang kahirapan,
Ipanganganak kang hubad, hubad ka ring ihahatid sa 'yong libingan.

Sige, talon!
Habulin mo ang lalakeng busog ang bulsa ng pantalon,
Sabihin mong pambili lang ng pantawid gutom sa maghapon,
Sabihin mong mag-aaral ka na pero wala kang pambaon,
Baunin mo ang piraso ng bubog na napulot mo kahapon,
Higpitan mo ang hawak mo kung kinakailangan, 'wag mong pakakawalan ang hawak mo nang guryon
Dahil sa mundong kinatatayuan mo, kainin mo o ikaw ang mababaunan ng pangil ng leon.

Kaya sige, takas!
Sige! Pilitin mong magpumiglas
kahit hindi ka pa natatalian ng lubid ng batas
"Pambili lang po ng gatas..."
Ilabas mo na ang mga nakatago mong alas,
Hindi mo p'wedeng sabihing ipinanganak ka lang na malas,
Malas mo lang kung hindi mo kayang purulin ang dating matalas,
Kung hindi mo kayang baliin ang swerte mo nang madalas,
Ngunit huwag mo ring bibilisan ang pagpapatakbo mo't baka ka madulas,
"Luma na 'yan!"
At mahulog sa bangi't malamang isa lang itong malaking palabas.

Kaya sige, takbo!
Huwag mong ilalabas ang ulo mo,
Baka ka tamaan ng mga matutulis na basyo ng ulan
at baka ka matumba't mabasa mo ang daan
at mabasa mo ang daan-daang sigaw ng mga dugong nagkalat sa daan
at mabasa mo ang daan-daang karatula't papel na naiwan sa daan
"Huwag akong tularan."

Sige, takbo lang!
'huwag ka papatalo sa patintero at habulan
ipinanganak kang magaling na sa gan'yan
Ingatan mo ang dala-dala mong kabibili mo lang,
At baka masayang lang ang dugo't pawis na naging papel lang.

Ngunit sa 'di inaasahan
ay narinig ko na may tumawag sa akin
Pangalan ko ay umalingawngaw, lahat sa akin ay nakatingin
Nakita ko si ina, basa na ang mukha
hindi dahil sa hindi matigil na ulan
kundi dahil sa luhang hindi n'ya mapigilan
"Anak! Bakit mo ako iniwan?"

Ina, patawad sa hindi ko pagpapaalam
Ina, patawad po sa aking paglisan
Dala ko na po 'yong asin
'yong paborito ninyong ulam
Patawad po at baka ko nadumihan
Pasensya na po kung may mantsa ng dugo kong sumabog na lang
Hindi ko po sinasadya...

Hindi ko po sinasadya.

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon