KAPAG WALA NA AKO

108 6 0
                                    

KAPAG WALA NA AKO
Ni Kuya Ian

Hindi natin alam kung kailan matatapos ang lahat
kung kailan titigil ang pag-ikot ng mundo
o ang pag-ikot sa akin ng mundo

Hindi natin alam kung kailan matutuyo ang tubig sa sapa
Hindi natin alam kung kailan mawawala ang init sa mga baga
Hindi natin alam kung kailan ang mga dahon sa puno ay malalanta
Hindi natin alam kung kailan ako lilipas at mananatili na lang na isang alaala

Kaya kapag wala na ako, 'wag kang iiyak at luluha
gusto kong nakangiti ka lang habang sinasariwa ang masaya nating pagsasama

Kapag wala na ako, 'wag kang mangungulila
lagi akong nakaalalay sa likod mo't binabantayan ka—
hindi ka nagiisa

Kapag wala na ako, 'wag kang malulungkot at iiyak
mapipilitan akong pigain ang mga ulap para sabayan ang bawat paghikbi mo ng mga kulog at kidlat

Kapag wala na ako, 'wag na 'wag mong ikukwento sa iba kung gaano tayo naging masaya
hindi nila p'wedeng malaman kung sa paanong paraan kita napapasaya at baka mapunta ka sa kanila

Kapag wala na ako, lagi ka lang ngingiti
gaya ng kung paano ko pakislapin ang mga tala kapag malalim na ang gabi

Kapag wala na ako, 'wag mo akong hanapin sa kalangitan
lagi mo akong kasama
lagi kitang kasama sapagkat sa puso mo na ako ngayon naninirahan

Kapag wala na ako, 'wag na 'wag kang maghahanap ng katulad ko
at baka mabaon ako sa limot at makalimutan mong nandirito pa rin ako para sa 'yo

Kapag wala na ako, bisitahin mo sana kung saan naroon ako
gawin mo akong isang batang sabik sa amoy ng mga libro
kuwentuhan mo ako habang natutulog ako

Kapag wala na ako, 'wag na 'wag kang malulungkot
wala ako sa tabi mo para patahanin ka at balutan ka ng kumot

Kapag wala na ako—
Ikaw na muna ang mag-alaga sa sarili mo

Kapag nawala na ako—
matagal pa ang pagbabalik ko
kaya sana masanay ka na

dahil kapag nawala na ako—
hindi ako sigurado
pero baka permanente na.

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon