Laruan

57 3 0
                                    

Laruan
- Kuya Ian

Hindi ako laruan
ngunit isa akong yoyo
bitawan mo man
ay may taling ikaw at ako ang nasa magkabilang dulo
na hihila sa akin pabalik sa 'yo.

Hindi ako laruan
ngunit isa akong trumpo
na kahit ilang beses mong ibato
at paikutin nang ilang minuto
ay babalik pa rin ako sa mga kamay mo

Hindi ako isang laruan
ngunit isa akong pogs
at kahit hindi ganon kalakas ang pagtama
sa akin ng pagmamahal mo
ay hindi ko na kailangang mahulog at matihaya
dahil kahit anong p'westo ko
ay sa 'yo pa rin ako

Hindi ako laruan
ngunit isa akong teks
na kahit pagpustahan ninyo
at ihagis at hayaang mag-isa sa ere
ay asahan mong ako pa rin ay iyong maiuuwi

Hindi ako laruan
ngunit isa akong holen
na kahit ipantira at itulak mo pa ako
para makuha ang iba
ay ayos lang
hindi ba pagmamahal naman ang pagpaparaya?

Hindi ako laruan—
Hindi ako isang laruan
ngunit bakit mo ako pinaglalaruan?

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon