HINDI NAKATATAWA ANG UMIBIG

112 7 0
                                    

HINDI NAKATATAWA ANG UMIBIG
ni: Kuya Ian

Isang tangang araw, na-miss ko ang panloloko mo,
kaya narito ako, sinubukang hanapin ang pangalan mo sa daan-daang aktibo,
hinagilap ang pangalan mo,
na kay tagal nagmarka sa puso ko,
ang pangalan mo, na naging pangalan ng bangungot ko.

Hinanap ko ang pangalan mo,
saka nag-send ng mensahe sa'yo,
"Uy, musta? Ano nang balita sa'yo? "

ngunit parang wala lang sa'yo,
ni walang reply na nanggaling sa'yo,
kaya't naghintay ako,
hanggang sa 'di na kinaya ng mga mata ko,
sabay tumulo ang mga luhang pinigil ko,
hindi man ito resulta ng pagkapagod ng mga mata ko,
t'yak ako, na pagod na rin talaga ako, sanhi ng pagtulo nito.

Hanggang sa nag-chat na naman ako sa'yo,
kinabukasan, pangalawang beses kong nagpadala ng mensahe sa'yo,
'di pa rin 'ata ako nadala at gusto pa ng pangalawang parte ng sakit itong puso,
nag-mukha akong masokista para sa'yo,
hinahanap-hanap ko ang sakit na dulot mo.

"Mahal kita, gusto ko lang malaman mo. "

"HAHAHAHA."
Tawa,
Tawa lang ang letsugas na sagot sa matagal kong itinago at hindi ako naging handa,
Kahit pilit kong itinago ay nasaktan n'ya pa rin ako, ang tanga
at hindi pa rin ako naging handa kahit pinaghandaan ko naman ang mga sagot n'ya, at narito ako, ang masokista.

Gusto ko lang sabihin sa'yo,
Na hindi biro ang umibig sa isang tulad mo,
Na hindi nakatatawa na umibig ang 'sang tulad ko,
Na seryoso ako sa'yo,

At isa kang tarantado,
isa kang manloloko,
ngayon sabihin mo,
nakatatawa pa rin ba ang mga sinabi ko?
hihintayin ko ang mga "HAHAHAHA" mo,
at hihintayin ko rin na malaman mo,
na hindi nakatatawa ang umibig kahit naging isa akong payaso,
na ninais magpasaya sayo.

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon