ANG TANGING KULAY NA NAKIKITA NG BULAG

90 2 0
                                    

ANG TANGING KULAY NA NAKIKITA NG BULAG

Dinalaw ako ng karisma ng antok,
Nasanay sa konteksto ng paghihimutok
Gustong makaabot sa tuktok ngunit mistulang tinadyakan at sinuntok.
Nagmukhang alikabok,
At ang ulo'y nabagok sa katotohanang kailangan ko munang dumaan sa bingit ng mga tatsulok.
Hanggang,
Sa ako'y matusok ng patalim nitong nagmulat sa mga matang nilamon ng naglalakihang usok.

Dilim ang humawak sa mga leeg ko
Ibinitin ako sa mga tala sa kalangitan
Habang pinagtatawanan ako ng mga paniking bulag na malayang naglalayag sa kung saan
Habang ako ay hindi makagalaw sa kung nasaan ako

Mabuti pa ang mga paniki ay nakapagsasayaw pa sa lalim ng gabi
Habang ako ay pinagbabawalang lumabas
pinagbabawalang tumakas sa mundong titig pa lang ay sobra nang hapdi.

Ang dilim ang aking kinapitan,
Sa mga oras na iniwan ako ng mga taong dapat sana'y magigi kong sandigan.
Pinagbawalan!
Pinosasan at ikinulong sa hawlang punong-puno nang kalungkutan
At ang tanging nanaig sa kalooban ay ang pagkainggit

Inggit na may halong paghihimutok at pait,
Na kung minsa'y sa katagang kasiyahan ay hindi ako nakakasakay,
Sumablay,
Ang ang sarili'y mistulang pinatay ng mga salitang lumalatay
At nanunuot ang sakit sa paghawak ng pag-asang unti-unting dumudulas sa aking mga kamay.

ginagapos ako ng kalungkutan—
ng kalayaang hindi ko makamtam,
sinasakal ni kadiliman,
di ko na batid kung saan ang kahahantungan,

walang maliwag sa madilim,
pag-asa'y unti-unting kumukulimlim.

Hanggang sa maging kasingdilim ng mga uling
Na umiihaw sa aking katawan
Hindi naman ako itinusok sa isang kawayan
Pero bakit nakikipagsayaw at umiikot ako sa mga bagang pinipilit akong padilimin
At imbes na ako ang kainin
Kinain ko ang dilim nang hindi ko alam sapagkat s'ya mismo ang nagpumilit pumasok sa akin
At ito na ang kumokontrol sa aking pag-iyak, palahaw, sigaw, hiyaw—
Ayaw ko na ngunit kapag huminto na ako ay baka permanente na

hindi ko batid kung paano tatapusin,
o kung paano babaguhin.

binubulungan ako ng masamang hangin,
sarili na'y kitilin,
paulit-ulit ipinamumukhang hindi ko kakayanin.

Subalit ako'y nagulat,
tinapik, sinampal ni tagamulat,
hindi pa raw huli ang lahat—sapagkat
kinabukasan ang araw ay muling sisikat,
pag-asa'y unti-unting liliwanag,
gumugulo sa isipa'y magiging maliwanag.
makalalaya sa kadiliman,
makakatamtan ang ninanais na kalayaan.

Hanggang sa ang tanging kulay na nakikita ng bulag
Ay mapalitan ng liwanag.

Sa panulat nina: Alyka Obligado, Bianca Beltran Aquino, Ian Domingo

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon