ANG PANTALONG KUPAS

76 5 0
                                    

ANG PANTALONG KUPAS
ni: Kuya Ian

naalala ko pa kung gaano mo kapaborito ang kupas na pantalon na laging mong suot-suot
kung gaano ka kaingat sa bawat mong pagkusot kapag naglalaba ka
kung gaano ka kaingat sa pagplantsa rito kapag nakikita mo't nahahalata na ang bawat gusot sa makapal nitong tela
kung gaano mo ito kapaborito na ito ang suot mo sa mga okasyon mapakasal man, kaarawan, o padespedida.

naalala ko pa kung gaano mo kapaborito ang kupas mong pantalon
kung gaanong ingat na ingat ka sa ipanlalaba mong sabon
kung gaano mo ito kapaborito na hindi ka nagpapalit na damit sa buong maghapon
kung gaano mo ito ipinagmamalaki sa bawat okasyon

naalala ko kung gaano mo kamahal ang kupas mong pantalon
naalala kong 'yan ang suot mo sa ikalimang kaarawan ko
mayroong sayawan kaya't nagamit mo nang husto ang kupas na pantalon mo
naalala ko pa na iyon ang suot mong pantalon
noon.

naalala ko pa kung gaano mo pinaghandaan ang araw na magiging tanda ng pagiging lalake ko
na noong samahan mo ako sa klinika e, ang kupas mong pantalon ang suot-suot mo
naalala ko pa kung paano ka nakatitig na lang sa kupas mong pantalon habang ginagawa na akong tunay na lalake
naalala ko pa na iyon ang suot mong pantalon
noon e.

naalala ko pa kung gaano mo ipagmayabang ang kupas mong pantalon
noong samahan mo ako sa pag-akyat ng stage para sabitan ng medalya noong graduation ko
panay kang pagpag sa pantalon mo habang nakatingin sa mga taong nakatingin sa ating dalawa sa makasaysayang araw na 'yon
naalala ko pa na iyon ang suot mong pantalon
noon.

naalala ko kung gaano mo kamahal ang paborito mong pantalon
ngunit ipinangako mo sa akin na ibibigay mo ito sa akin sa tamang panahon
at naghintay ako sa panahong iyon

kaya narito ako
sa araw ng kasal ko
nakasuot ng itim na pantalon, nakatingin sa paglapit ng babaeng makakasama ko sa buong buhay ko
hindi ako mapakali sa kinatatayuan ko
namamawis na ang mga kamay kong kanina pa nakatago sa mga bulsa ko
iba ang pakiramdam nito
hindi ito ang kupas na pantalon na paborito mo
hindi ito ang pantalon mo na niluma na kasabay ng panahon

dahil ang paborito mong pantalon na lagi mong suot-suot sa mga importanteng okasyon sa buhay mo
na dapat ako na ang magsusuot sa importanteng okasyon ng buhay ko
ay suot-suot mo
at mananatiling suot mo
araw-araw, gabi-gabi
hanggang sa dulo

kaya't itay pasensya na...
kung hindi mo na makikita
ang pantalong suot ko sa araw na ito
ang pantalong kukupas rin at magiging paborito ko...

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon