AKO ANG SUSPEK PERO AKO ANG BIKTIMA

228 9 0
                                    

"AKO ANG SUSPEK PERO AKO ANG BIKTIMA. "

ni: Kuya_Ian

Ako ang may balak na nakawin ang puso mo,
Pero bakit nabaliktad ang plano?
Ako ang naging biktima mo,
At nanakaw mo ang puso ko.

Ako ang may balak na pasiyahin ka hanggang dulo,
Pero bakit parang hindi nasunod ang plano?
Ako ang naging biktima mo,
Pero imbes na tumatawa ay umiiyak ako.

Ako ang may balak na barilin ka ng mabubulaklak na salita
Pero bakit hindi sumang-ayon si tadhana?
Ako ngayon ang biktima,
Sa lahat ng sinabi mo ay naniwala.

Ako ang may balak na lunurin ka ng pagmamahal,
Pero bakit pati si tadhana ay nahangal?
Ako ngayon ang biktimang sumugal,
Napaos kakasigaw ng pangalan mo't kanina pa hinihingal.

Ako ang may balak na sunugin ka sa init ng pagmamahal ko,
Pero bakit parang ako ang nabiktima mo,
Bakit pakiramdam ko'y nasa loob ng mainit na impyerno?

Kung ako ang Lunes, ikaw ang Martes ko,
Dahil nais kong ikaw ang kinabukasan ko,
Pero kahit kailan 'di magsasama ang dalawang 'to,
Para sa pagkatapos ko ay s'yang pagsikat mo.

Kung ako ang may kakayanang baguhin ang alpabeto,
Pagtatabihin ko ang I at U,
Para si "ako" ang katabi "mo",
patinig tayong pareho,
Ngunit magkaiba ang tinig at 'di magkatono.

Pasensya na kung ako ang suspek sa umpisa ng kwento,
Ngayon ay ako na ang biktima mo,
Pero biktima tayo pareho ng kwento ng mundo,
Para sa 'di tayo ang "itinadhana" dahil "pinagtagpo" lang tayo.

Kwaderno Ni Kuya_Ian ( Spoken Word Poetry, Dagli, atbp., )Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon