Hindi ko masyadong kilala ang mga kapitbahay ko dahil hindi ako madalas lumabas. Matataas din ang pader ng kanilang bakuran kaya hindi kami magkakasilipan. Kontento na ako sa loob ng bahay. Lalabas lang ako kung kailangan kong mag-grocery, papasok sa trabaho at uuwi kung kailan lubog na ang araw at madilim na.
Kapag may nakakakita sa akin sa bakuran sa tuwing nagdidilig ako doon, hindi puwedeng hindi huminto si Mrs. Garcia. Siya ang palakuwento kong kapitbahay. Kusa siyang nagpakilala. Magkatabi ang aming bahay. Retired teacher siya kaya napaghahalata mong masyado siyang mausisa ngunit mabait at maalalahanin. Kasing edad ko lang daw kasi ang mga anak niya. Napapailing tuloy ako dahil baka kapag tumanda ako ay baka matulad ako sa kanya.
Minsan naman ay hindi naman kuntento si Mrs. Chang na hindi pumasok sa aking bakuran para purihin ang aking mga orkidyas. Weakness daw kasi niya ang paghahalaman. Punum- puno daw siya ng halaman sa bahay ngunit wala siyang mga orkidyas. Binigyan ko siya ng ilan at nangakong bibigyan siya sa susunod na balik ni Mama.
Mayroon din akong kapitbahay na matandang binata at biyudo na aliw na aliw din sa akin. Hindi ko sila kilala pero sila ang nagpapakilala. Para silang mga teenager. Pareho silang magiliw sa akin. Pareho silang bolero at halatang halata sa kanilang dalawa ang diskarteng malupit nila. Hindi ko na lang pinapatulan ang mga salita nila na para bang nanliligaw sila sa akin. Minsan, alam ko na ang oras ng kanilang pagdaan kaya papasok muna ako sa loob ng bahay. Kapag nakita kong lumampas na sila sa bahay, matapos nilang huminto at silipin ako sa bakuran ay saka ulit ako lalabas. Kapag sinumpong ako, hindi na rin ako lalabas.
Tahimik ang subdibisyon na iyon sa Hillsborough matapos ang malagim na murder sa Condor St. ng patayin nag mag-anak ng Mayers. Walang hindi nakakaalam ng balitang iyon na halos ilang taon din daw pinag-usapan sa buong lugar. Pero ngayon payapa na ang buong lugar. Nakasarado lang ang bahay na iyon. Tuwing dadaan ako doon ay may guwardiya at may malaking NO TRESPASSING na nakalagay sa malaking gate nito.
Nasanay na akong mag-isa dito. Nasa probinsiya si Mama matapos kung maka-graduate sa kolehiyo. Tumira siya sa lumang bahay nina Lola Flora at Lolo Boni. Masaya naman siya doon dahil nalilibang sa pag-aalaga ng kanyang mga orkidyas sa kanilang malawak na bakuran. Namuhunan din si Mama sa pag-aalaga ng mga inahing baboy at pagbebenta ng biik. Walang katapusan ang kanyang kuwento at halatang nag-i- enjoy siya sa kanyang ginagawa. Palagi niya akong binabalitaan ng tungkol kay Tita Cattleya at Max.
Nakikinig lang ako sa sinasabi niya sa video call ng Skype.
"Uuwi na daw ang Tita Cattleya mo kaya baka puntahan kita dyan sa bahay mo."
"Kayo po ang bahala..."
"Hay, bakit naman ganyan ang mukha mo? Hindi ka ba excited na makita ako?"
Ito talagang si Mama masyadong big deal sa kanya pati expression ng aking mukha. Sanay na ako sa kanya na pasulpot-sulpot dito sa bahay na para akong minamanmanan. Mayroon siyang sariling susi sa bahay. Minsan nga ay nagulat na lang ako dahil amoy-adobo sa buong bahay. Ingat na ingat pa naman ako dahil nangangamoy din ang aking sopa pati ang aking mga throw pillow at kurtina. Nahalata naman iyon ni Mama kaya bago siya umalis, nilabhan muna niya ito at pinalitan ng bago.
Kahit ang damitan ko ay nagdadaan sa matinding inspection. Para siyang private investigator na naghahanap ng ebidensiya kung may kalokohan akong ginagawa.
"Uy, Violeta... pinapaalala ko lang sa iyo ha, huwag ko lang malalaman na nagpapatira ka na dito ng boyfriend mo ha!"
"Mama, wala nga akong boyfriend eh..."
"E di wala kung wala..."
Iniismiran niya ako pero ang mga mata ay parang x-ray. Hindi pinaliligtas ang kaliit-liitang detalye sa bahay. Medyo ma-OC din siya. Pinakikialaman niya ang mga gamit ko kaya naiinis ako kapag hindi ko na mahanap iyon sa dati nilang lagayan. Minsan eh tumatawag pa ako sa kanya para lang tanungin kung nasaan na ang lagayan ng SD card ko. Hay naku, sumakit talaga ang ulo ko.
Malinis nga ang bahay ko, organisado lahat ang gamit ngunit baliktad...lalong hindi ko mahanap ang gamit ko.
Hay, bahay!
BINABASA MO ANG
HELLO MS. AUTHOR (COMPLETED)
रोमांसA MinSul Story Napakadaling magsulat pero hindi ang maging isang magaling na manunulat. Madaming kuwentong puwedeng basahin ngunit hindi ang kuwento ng buhay ko. Madaming naging interesado sa aking mga nobela pero hindi sa tulad ko. ...