INDAK
"Gabi-gabi akong nakakaramdam ng multong para bang may kumakalabit sa akin.
Yun ay ang mga memorya mo.
Hinahaplos, kinakapa, hinihimas lahat ng mga sugat na dulot ng pagkasira ng paglisan mo.
Mga sugat na kahit kailan hindi na naghilom kahit ano pa ang gawin ko.
Kaya sinasayaw ko na lang siya tuwing gabi.
Sumasabay sa agos ng damdamin, maramdaman muli lahat ng nangyari satin.
Bumubulong ng mga hindi maintindihang panunumpa at pangako, na kung saan makikita mo parin dito sa dibdib ko nakapako.
Musika ay sinasabayan, umiindak sa bawat pagtibok ng pusong sabik nang hawakan.
Umaayon ang katawan sa lahat ng paggalaw sa nais nitong paroroonan.Kinabukasan, Gigising na lang ako ng may mga basang unan.
Nalulunod parin sa memoryang ika'y lumisan.
Siguro nga bihasa na ako sa pagkukunwaring masaya.
Yung tipong pag nakikita kita hindi na ako magsasadula.
Pag makikita kita mayroon nang ngiti sa mga mata, yung para bang walang tinatagong masakit sa mga sulok ng bintana.Pero mahirap magpanggap.
Yung isipin na wala ka na ay hindi ko parin tanggap.Kaya isasayaw ko na lang ito.
Isayaw na lang natin dalawa. Iduyan sa mga bisig ang isa't isa.
Ikaw ang sa panimula,
tayong dalawa sa gitna,
at ako na lang sa pangwakas.
Ganon naman talaga diba? Kahit ano pang klase ang paghawak ko sayo,
tadhana parin ang siyang mananalaytay,
musika'y hihinto't mamamatay,
indak nati'y malulumbay,
at tayong dalawa ay magwawalay."
M A R I P O S A
2015
Institute of Accounts, Business, and Finance (IABF)
FEU Manila