Chapter 369: HAPPY-HAPPY (SFD7)

112 16 4
                                    

🏰DARYLLE🏰

Tamad na tamad akong naglalakad papasok sa loob ng Camp Bridge. Friday na pero hindi ako masaya, may pasok daw kasi kami bukas sabi sa GC. Kung tutuusin dapat kabahan ako, dahil Quarter finals na namin ngayon. Pero dahil Orange Fox pa rin ang kalaban namin, wala na lang sa akin.

Sure win...

Do or die...

Parang wala ring silbi ang twice to beat advantage na sinasabi nila, kung gano'n kahina ang makakalaban namin. Nauna nang namaalam ang mga Pulang leon sa bracket namin. Kami ang una at pang-apat ang UoS kaya sila ang makakatapat namin. Ang SPU naman ang pangalawa sa bracket namin kaya ang WVU ang makakalaban nila, nasa ikatlong puwesto sila.

Hindi na talaga ako kinakabahan kaya ayos lang sa akin na may laro ngayon, ang hindi lang umokay sa akin ang pasok bukas. Dadalawang araw na nga lang ang mailalaan para sa pamilya, babawasan pa ng isa.

Tahimik akong nakapasok sa quarters. Nagkalat ang mga players na naghahanda para sa laro nila. Mabuti na lang mamaya pa ang laro namin, after lunch pa.

Napalingon ako sa gilid ko dahil may naramdaman akong kasabay kong naglalakad. Dali-dali akong nag-iwas ng tingin nang makita kong si Jason 'yon. Ewan ko, pero mula nang malaman ko 'yung sinabi ni Alex talagang hindi ko na siya kinausap.

"May laro kayo mamaya?" Tanong niya habang naglalakad kami. Magkalayo kami pero halos magkasabay ang paa.

Nilingon ko siya kaya nakita kong hindi siya nakatingin sa akin. Hindi ko tuloy alam kung sasagot ba ako, kasi baka mamaya hindi naman ako 'yung kausap. Malay ko ba kung may nakasalpak pa lang earphone sa tenga niya at may kausap na iba.

Binilisan ko ang lakad ko dahil baka may makakita sa amin dito. Mapag-isipan pa ako ng hindi maganda. Ang mga tao pa naman, masiyadong maii-issue, kahit makasakit, makapanghusga lang tabla-tabla na.

Nakapasok na ako ng locker room, parang gusto kong magpamisa nang makita ko si Alex na nasa loob na. Himala yatang ang aga niya ngayon. Lalapit sana ako kaso napansin kong tahimik silang nag-uusap ni Kuya Reiven. Mukhang seryoso dahil walang emosiyon ang mukha nilang dalawa.

Naupo ako sa gilid at binaba ang mga gamit ko. "Morning," bati ko kina Yiren. Ngumiti naman siya sa akin.

"Si Syd?"

"Wala pa," sagot ko. Nabasa ko sa GC kanina, kagigising pa lang daw niya kaya galit na galit si Cassey, dahil naghahantay siya sa labas.

"Ay," napabusangot siya bago nagtipa sa cellphone. Inunat ko ang tuhod ko dahil ngayon ko lang naramdaman ang sakit.

Nakita kong tumayo si Alex kaya umusod ako. Dito kasi sa gawi ko ang punta niya. "Bakit? Anong meron?" Mahinang tanong ko nang makarating siya upuan.

"Secret, pang mag-utol lang 'yon."

Mukhang seryoso ang pinag-usapan nila kaya ayaw niyang sabihin. Nanahimik na lang muna ako, dahil hindi naman umiimik ang luka-luka. Maya-maya pa ay naramdaman kong bumigat ang kaliwang balikat ko. Nakasandal na pala ro'n ang ulo niya.

Nasa wonderland na...

Sinandal ko rin ang ulo ko sa ulo niya bago pumikit. Lakas talaga makahawa nitong babaitang 'to, kaya kahit nakakainis siya paminsan-minsan hindi ko magawang magalit. Iniintindi ko na lang ang pinagdadaanan niyang kahit kailan ay hindi ko maiintindihan. Ang babaeng kung titignan akala mo napakaperpekto.

HIM & I [SEASON 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon