🏰ERIC🏰
Kinakapa ko ang cellphone ko dahil tumutunog na ang alarm ko. Tila kulang na kulang talaga ang tulog ko ngayon. Wala namang pasok ang mga bata kaya okay lang naman sigurong humiga kahit saglit.
Limang minuto akong nanatiling nakahiga bago bumangon. Inihanda ko na ang lulutuin kong ulam para sa amin at para sa mga bata. Kailangan kong mag-iwan ng pagkain para sa kanila. Kaya naman ni Tupe'ng magluto pero prito-prito lang.
Nagsimula na akong magluto. Sinigang na lang dahil puyat ang mga bata. Maganda rin ang mainit na sabaw sa umaga. Pinakuluan ko ang baboy at hinantay na magbula 'yon. 'Tsaka ko inalis ang bulang umiibabaw. Isinunod ko ang kamatis, gabi at sibuyas. Hinantay kong lumambot ang karne at ang kamatis 'tsaka ko pinisat. Pwede rin namang hiwain na bago ilagay pero mas gusto ko 'yung ganito.
Isinunod ko ang mga gulay na medyo mahirap palambutin. Naglagay din ako ng talong, okra at sitaw kasama ng labanos. Tinimplahan ko na ang niluluto ko habang naghahantay na lumambot ang lahat ng sangkap. Huli kong inilagay ang kangkong bago ko pinatay ang apoy. Maluluto na kasi 'yon ng init. Ayos lang din namang pakuluin pero lalamya na ng husto, madudurog na.
Tinikman ko muna ang sinigang bago ko ulit tinakpan. Pinahinga ko muna ang sarili ko bago ako nagsimulang maghugas. Inasahan ko ng hindi gigising ng maaga ang mga bata. Puyat sila kagabi, at isa pa, wala namang pasok kaya ayos lang na tanghaliin. 'Yon nga lang, kailangan magising kahit sino kina Tupe at Ethan bago kami umalis. Para may maiiwan na rito sa bahay.
Nagligpit muna ako habang hinahantay na magising sina Ganda. Medyo makalat kasi ngayon. Nakakahiya kay MU, pagod na siya sa trabaho tapos maglilinis pa nitong bahay pagdating.
Binuksan ko na ang pinto dahil maliwanag na. Nagdilig muna ako ng halaman habang wala pang gising. Natutuyo na kasi ang mga halaman dito. Hindi na nadidiligan ng maayos.
"Tao po?" Nakarinig ako ng nagsasalita sa may gate. Dinungaw ko muna 'yon bago ko binuksan. "Good morning Eric," bati ni Ate Precious.
"Good morning po," bati ko naman. Binuksan ko ng malaki ang gate. "Wala po si MU."
"Ay naku okay lang, nakausap ko na siya. Maglalaba ako ngayon."
"Sino po magbabantay sa salon?"
"May bago kaming recruit. Siya muna ang toka ngayon."
"Ah..." Marahan akong tumango bago siya inanyayahan sa loob. Mabuti na lang nakalinis na ako. Naabutan ko si Sean na nasa labas na rin. Kasunod niyang lumabas si Liezel na panay ang dikit sa kaniya. Magpasalamat lang talaga sila dahil antok na antok na ang mga bata kahapon at tulog na si Ganda. Kung 'yon gising makakarinig talaga sila sa akin ng hindi maganda. "Pasok po," inayos ko ang basahan sa may pinto.
"Oh sino naman 'tong pogi na 'to?" Nakangiting sinulyapan ni Ate Precious si Sean.
"Pamangkin po ni MU."
"Talaga ba?" Nagulat pa siya at halatang hindi makapaniwala. Walang gana akong tumango. Nasusuka ako sa pagmumukha nilang dalawa. Mga wala silang hiya. "Eh itong si Pretty girl?" Si Liezel naman ang tinutukoy niya. "Girlfriend niya?" Tinuro niya si Sean. Nakahawak kasi sa braso ni Sean si Liezel kaya ganiyan ang naging tanong niya.
"Ewan ko sa mga 'yan." Dumiretso ako sa mesa para alukin ng kape ang bisita.
"Of course not," mabilis na hinawi ni Sean ang kamay ng malandi niyang kasama. "Doon ka nga." Siya na mismo ang lumayo sa babae. Kung makaarte akala mo diring-diri talaga.
"Ate Precious kape?"
"Ay 'wag na," tanggi niya.
"Kumain ka na lang. Nagluto ako ng sinigang."
BINABASA MO ANG
HIM & I [SEASON 2]
Ficción GeneralContinuation of Him & I STARTED: 01/13/21 COMPLETED: 05/15/21