Chapter 387: GUILTY 1

97 14 0
                                    

🏰ERIC🏰

Nataranta ako dahil hindi kasama nila Tupe si Ganda. Buong akala ko sumunod siya, dahil 'yon ang sinabi niya kanina bago siya umalis. Hindi tuloy kami magkandaugaga sa kahahanap sa kaniya ngayon. Habang lumalalim ang gabi ay mas lalong dumadami ang tao. Mas nagiging mahirap para sa amin ang hanapin siya.

"Ethan may dala ka bang cellphone?" Wala na akong maisip na paraan maliban dito.

"Meron Kuya," aniya.

"Ganito," inipon ko ang mga bata bago kami tumabi. Nakaharang na kasi kami sa daan. "Ethan, bantayan mo sina Buknoy at Joseph. Kumain na lang muna kayo doon." Tinuro ko 'yung kinainan namin ni Ganda kanina. "Walang aalis doon hangga't hindi kami bumabalik. Maliwanag ba?"

"Opo Kuya," sagot nila. Pinilit kong ngumiti kahit na kinakabahan na naman ako. Hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisang maghanap.

"Kami na lang ni Tupe ang maghahagilap sa kaniya." Mahirap kasi kapag may biyabit na bata. Baka lalo lang kaming matagalan. "Tara na Tupe," yaya ko. Habang naglalakad kami palayo ay tinatanaw ko sina Buknoy na naglalakad din palapit sa kinainan namin.

"Nasaan na kaya 'yon?" Si Tupe ang nakatoka sa kanan at ako naman sa kaliwa.

Ilang minuto rin ang lumipas, halos malibot na namin ang buong peryahan pero wala kaming Alex na nakita. Ramdam ko na ang pananakit ng binti ko, na sinabayan pa ng matinding kaba, dahil sa pagkawala niya.

"Pahinga muna tayo," tumigil kami ni Tupe sa kainan para makapagpahinga. Nananakit na talaga ang paa ko. "Nasaan kaya 'yon?"

"Ano bang nangyari Kuya? Nag-away na naman ba kayo?"

"Hindi," umiling ako. Wala akong natatandaan na nagkasagutan kaming dalawa. "Ang sabi niya pupunta raw siya sa inyo."

"Baka hinahanap din tayo."

"Siguro," muli kong inilibot ang paningin ko. Sana nga hinahanap niya rin kami. Sana nga nandito pa siya at sana ligtas siya. Sana wala siyang gawing ikakapahamak niya.

Gabi pa naman ngayon...

Tapos ang ganda niya...

Ang ibig kong sabihin, babae siya...

Wala sa sarili akong napatayo. Hindi ako dapat magpahinga, dahil ang bawat segundo ay mahalaga. Hindi kami pwedeng umuwi ng wala si Ganda. Yari kami nito kay Mother Uji.

"Nakita mo ba 'yon?"

"Oo, ano ba 'yon baliw?"

"Sayang ang ganda pa naman."

"Feeling ko hindi, baka special child lang."

Agad akong napalingon sa magkakaibigang nasa gilid namin. Nagkatinginan din kami ni Tupe, senyales na iisa lang ang nasa isip namin ngayon.

Si Ganda...

"Excuse me po." Ako na ang nag-approach sa kanila. Sana lang si Ganda talaga ang tinutukoy nila. "Ahm may nakita po ba kayong babae na maganda po? Nakagray wolves na shirt? Then pantalon? Sapatos na puti? Medyo mahaba ang buhok tapos matangkad po?" Nagkatinginan silang pare-pareho.

HIM & I [SEASON 2]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon