"MAGTAGO KAYO"
Taong 2001, isa sa mga huling taon ng paninirahan ko sa kabundukan sa probinsya ng Zambales kung saan ako ipinanganak noong panahong uso pa ang kumadrona.
Sa bundok na iyon ako nagkaisip, natuto at nasanay sa payak na pamumuhay...walang kapitbahay na malapit, gasera ang ilaw sa gabi, sa balon iigib ng tubig, kung may radyo ka pakiwari mo mayaman ka na, kailangan mo pang bumaba ng bundok bago ka makabili sa tindahan, sagana sa kamote, kamoteng kahoy, gabi at madalas na ulam namin noon ay labong, at pwede mong angkinin ang anumang puno na gusto mo.
Noong panahong iyon ay apat pa lang kaming magkakapatid at ako ang panganay kaya sa akin ang pinakahitik sa bunga na puno ng kasoy sa gilid ng bahay namin. Ang puno naman ng kasoy sa likod ng bahay ay kay Badong na pangalawa sa akin. Ang pangatlo si Bornok, sa kanya naman ang puno ng mangga. At ang bunso noon si Angal, masyado pang bata kaya wala pa siyang inaangking puno. Ako nga pala si Bokya. Uso sa aming magkakapatid ang mag-imbento ng mabantot na palayaw bilang tukso sa isa't isa.
Masasabi kong masaya din manirahan sa bundok ngunit nabago ang pananaw ko dahil sa isang gabi.
Isang gabi na hindi ko naisip na mangyayari noong ako'y sampung taong gulang.
Tandang-tanda ko na natutulog na kaming magkakapatid nang maulinigan ko na tinatawag ako ni mama.
Bahagya akong nagising ngunit hindi ako bumangon.
Nagpapaalam siya na aalis saglit para sunduin si papang sa inuman kasi dis-oras na ng gabi ay wala pa rin.
Sanay na ako doon kasi madalas naman ginagabi si papang sa pag-uwi.
Malamang naroon siya nakikipag-inuman sa lasinggero naming kapitbahay na medyo malayo din ang bahay.
Naramdaman kong lumabas na si mama at umalis at nakatulog ulit ako.
Hindi ko alam kung ilang oras ang lumipas nang biglang naalimpungatan ako sa sunod-sunod na malalakas na katok sa pintuan.
Si mama paulit-ulit akong tinatawag at sinasabing gumising daw kami at tumakbo.
Sinasabi niya iyon na tila natatakot at nagmamadali.
"Tumakbo na kayo!" huling sabi niya bago siya tumigil sa pagkatok at biglang tumahimik sa labas.
Mahina na ang ilaw ng gasera kasi kaunti na lang ang lamang gaas.
Nakahiga pa rin ako at naguguluhan.
Maya-maya ay narinig ko ang boses ni papang na paparating.
Mabibigat ang yabag ng paa niya sa lupa at para siyang galit na lasing na nagsasalita at nagmumura.
Kinalampag niya ang pintuan sa kusina pabukas.
Alam kong dumiretso siya sa banggerahan kasi narinig ko na nagkakalansingan ang mga sandok at kutsara na para bang meron siyang hinahanap.
Naisip kong kutsilyo dahil sinabi niya "bukas may paglalamayan".
Tuluyang nawala ang antok ko at nagising ang diwa ko.
Nanigas ako at nanginig at biglang nakaramdam ng takot.
Naiintindihan ko na, hinahabol ni papang si mama at papatayin.
Naramdaman kong bumangon ang mga kapatid ko kaya natauhan ako.
Kailangan naming tumakbo at bigla kong naisip si Angal na bunso sa amin.
Nakita kong natatarantang lumabas sa pintuan ng sala sila Badong at Bornok.
Hinablot ko si Angal at sumunod kaming lumabas.
Ngunit hindi ko na naabutan sila Badong at Bornok, tumakbo sila sa magkaibang direksiyon.
Nahanap na ni papang ang kutsilyo at patuloy siya sa lasing na pagsasalita at pagmumura habang sinasabing papatayin niya kami.
Kumaripas na rin ako ng takbo habang hinihila si Angal papunta sa naiisip kong lugar na hindi kami makikita ni papang.
Walang bahay doon at hindi namin madalas dinadaanan kaya kung sakali, iyon ang huli niyang pupuntahan.
Salamat na lamang at maliwanag ang buwan kaya nakikita ko ang tinatakbuhan namin.
Malayo na kami sa bahay.
Hinihingal ako sa pinaghalong kaba, takot, tuliro habang si Angal ay umiiyak.
Nag-iinarte siya dahil wala siyang suot na tsinelas.
Mabuti ako meron, naawa ako kay Angal kaya kinarga ko siya at naglakad na lang ako.
Naiisip ko kung saan kaya pumunta sila Badong at Bornok.
At si mama, saan kaya siya tumakbo?
Bakit kasi nagkahiwa-hiwalay kami?
Pinapatahan ko si Angal kasi baka marinig kami ni papang.
Napapagod na ako kaya huminto muna kami sa lakad-takbo.
Pinagmasdan ko ang paligid.
Hindi na pamilyar ang lugar, parang naliligaw na ako.
Gusto ko nang umiyak din.
Nakita kong hindi na lupa kundi buhangin na ang inaapakan ko at may malapit na mga puno ng kawayan na magandang pagtaguan.
Naisip ko si mama kung saan siya nagtatago.
Nagbakasakali ako, tinawag ko siya.
"Ma! Ma!" mahina kong tawag na naiiyak.
"Hmm..." may sumagot ng mahina, parang boses ni mama.
Natuwa ako. "Ma!" muli ko siyang tinawag.
"Magtago kayo."
Sabi niya sa mahinang tinig.
Nabuhayan ako ng loob. "Saan ka ma?" sabi ko ulit ng mahina.
Wala nang sumagot kaya iginala ko ang paningin ko sa palibot.
Sa silong ng mga nakayukong puno ng kawayan ay may naaninag akong anino na parang nakaupo.
Inisip ko agad na si mama iyon kaya hawak-hawak si Angal ay lumapit kami sa kawayanan.
Nakikita ko ang anino dahil sa liwanag ng buwan.
Nang makalapit ay hahawakan ko sana ang anino na iniisip na si mama iyon kaya yumuko ako pero ang nakapa ko ay buhangin.
-Vohkia❤
"MAGTAGO KAYO" (Karugtong)
https://m.facebook.com/story.php?story_fbid=581252357371244&id=100064594545997
Nang mga sandaling iyon, wala akong kamalay-malay sa pagtitiis ni Bornok. Pagkalabas niya ng pintuan ay kumaripas siya ng takbo pababa sa bahay nila lolo at lola na mga magulang ni papang. Ang bahay kasi nila ang pinakamalapit sa lahat ng kapitbahay namin. Doon niya naisip magtago.
Habang tumatakbo ay nakakita siya ng mga alitaptap at sumagi sa isip niya na sana naging alitaptap na lang din siya.
Kinatok niya nang kinatok ang pinto nila lolo. "Lo tulong, papatayin kami ni papang." At dahil naistorbo ang tulog nila lolo sa kalagitnaan ng gabi ay nainis pa sila kay Bornok habang bumabangon.
Pagkabukas ng pintuan ay agad na dumiretso sa loob si Bornok at gumapang papasok sa silong ng kama. Matabang bata si Bornok ngunit pinilit niyang isiksik ang katawan niya sa silong para makapagtago. Sa sobrang sikip ng espasyo sa silong ng kama ay naipit ang tiyan niya kaya nahirapan siyang huminga ng maayos pero pinili niyang magtiis. Doon siya tahimik na umiyak habang nanginginig sa takot.
Hindi pa man lubos na nauunawaan nila lolo ang nangyayari ay nariyan na si papang sumisigaw at sumusugod sa bahay nila. Tuluyan nang nabulabog at nagising sila lola at ang mga uncle ko. Kinalampag ni papang ang pinto at sinabihan sila na huwag itago si mama. Nagwala doon si papang habang may hawak na kutsilyo at sa takot ay napatalon sa bintana ang dalawang uncle ko. Sinikap nila lolo at lola na awatin si papang at sinabing wala roon si mama.
Si papang ay galit na galit na umalis upang hanapin si mama sa ibang lugar. Doon lamang si Bornok lumabas sa silong at nakahinga nang maluwag.
Ako naman ay nagulantang dahil buhangin lamang ang nakapa ko. Biglang naglaho ang anino. Gumapang ang kilabot sa buong pagkatao ko, pinagpawisan ako ng malamig. Sa sobrang takot ay halos magkandarapa ako sa buhanginan para makalayo lamang sa kakawayanan.
Isa lamang ang napagtanto ko, wala roon si mama. Hindi siya ang sumagot sa akin kanina. Kung ganoon, sino o ano iyon?
Ngunit wala akong lakas ng loob na alamin pa iyon dahil mas nangingibabaw sa akin ang takot kaysa kuryosidad.
Muli akong tumakbo at hinila si Angal pabalik sa dinaanan namin kanina. Iyak pa rin nang iyak si Angal. Napaiyak na rin ako dahil litong-lito na ako.
Nasaan ba talaga si mama?
Saan pa ba kami pupunta?
Gaano pa ba katagal mag-umaga?
Iyan ang mga tanong noon sa isipan ko.
Bigla kong naalala iyong palaging sinasabi sa amin ni mama na sinabi lang din sa kanya ng tatay niya. Ang takot daw ay nasa isip lamang.
Pinahid ko ang luha ko at inalo si Angal. Sinabihan ko siya na tumahan na dahil pasikreto kaming uuwi at kukuhanan ko siya ng tsinelas kaya huwag siyang maingay para hindi kami marinig ni papang.
Kinarga ko siya ulit at nang malapit na kami sa bahay ay inakay ko siya at dahan-dahan kaming naglakad.
Tahimik ang paligid, parang walang tao. Nang biglang bumulaga sa amin si papang na nag-aabang lang pala sa gilid ng puno ng kasoy. Hinablot niya si Angal at sa gulat ko ay para akong lumipad patakbo sa mga kugon sa gilid ng daan para hindi ako mahuli ni papang.
Pero tinawag niya ako, huwag na raw ako tumakbo. Hindi naman daw niya kami papatayin. Umiiyak si papang habang si Angal ay nagngangawa at nagpupumiglas sa yakap niya. Marahil ay nakita niyang takot na takot sa kanya si Angal kaya napawi ang galit niya at nahimasmasan at natauhan siya sa kalasingan.
Pinalapit ako ni papang at humingi siya ng tawad. Binitawan niya ang kutsilyo. Niyakap ako. Nag-iyakan kaming tatlo.
Maya-maya ay dumating sila lolo kasama si Bornok. Ang sunod ay si Badong na hinatid ng kapitbahay na tinakbuhan niya at hiningian ng tulong. Nag-umaga na at lumiwanag na at nariyan na rin si mama. At ang naaalala ko ay parang nagkaroon ng pagpupulong dahil maraming tao ang kumausap kay papang at pinayuhan siya.
Nagkabati naman sila ni mama at naging maayos ulit ang aming pamilya hanggang sa umalis na kami sa bundok at lumipat na sa lungsod ng Olongapo at doon na nanirahan.
Minsan ay napagkukwentuhan namin ang karanasan naming iyon pero kami lamang nila mama at mga kapatid ko. Hindi namin iyon pinag-uusapan sa harapan ni papang.
Lumipas ang mga taon at namatay si mama sa sakit na bone cancer kaya wala nang nagpapasimuno ng kwentuhan at kaming magkakapatid ay hindi na iyon muling pinag-usapan. Nakalimutan na rin daw nila ang ibang detalye sa karanasan naming iyon at ayaw na rin nilang alalahanin pa. Kaya kahit tanungin ko si Badong, hindi na niya maikwento ang buong nangyari habang nagtatago siya.
Sana nga hindi na lamang iyon totoong nangyari. Sana kathang-isip na lamang, o kaya naman ay isang panaginip o mas akmang tawagin na bangungot para sa paggising namin ay makalimutan din namin.
Ngunit tumatak na iyon sa isipan namin lalo na sa akin.
Ganoon pa man, patuloy lang ang buhay. At kahit gaano pa kadilim ang gabi, palaging darating ang umaga.
-Vohkia❤
📜Spookify
▪︎2023▪︎
BINABASA MO ANG
[5] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)
TerrorAlmost all of the stories here are from the FB page Spookify, Let's Takutan Pare and other FB horror pages that I compiled. They are the ones that I enjoyed reading over the years.
![[5] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)](https://img.wattpad.com/cover/334075232-64-k923540.jpg)