LANGITNGIT
Magandang gabi sa lahat! Ako ay isang silent reader lang dito sa group at ngayon ko lang naisipan ibahagi ang isa mga karanasan kong hindi pangkaraniwan. Oo, isa lang sa pagkadami-dami.. Mahaba nga pala ito. Sana basahin nyo.
Matagal na akong nakakaramdam, nakakakita, nakakarinig, at nakaka panaginip ng kung ano-ano. Minsan nakikita ko rin ang mga mangyayari o pangyayari kahit gising ako. Tipong nakaupo lang ako, bigla kong makikita mentally ang mga senaryo. Ganito na ako simula pagkabata ko kaya nakalakihan ko nalang ang mga hindi pangkaraniwang pangyayari sa buhay ko. Minsan, idine-deny ko nalang sa sarili ko. Hanggang sa nasanay nalang ako. Pero itong ibabahagi ko sa inyo ngayon, ito ang isa sa hindi ko malilimutang karanasan ko dahil ito rin ang nagpa realize sa akin na may kakayahan talaga ako na hindi pangkaraniwan at espesyal.
2021 noong nangyari ito. Kalagitnaan ng pademya, pero hindi na ganoon kahigpit at pinapayagan narin ang paglilipat ng bahay. Kaya naman, nakailan lipat din kami dahil humahanap sana kami ng bahay na akma sa amin.
Nakakuha kami ng isang maliit na apartment, studio type, malapit sa bahay ng magulang ko, dahil ayaw rin talaga namin ng nakasama sa bahay nila pero sa loob lang din kami ng Subdivision naghanap ng apartment. Pero noong unti unti nang bumabalik ang mga face-to-face meetings, naisip namin na kailangan namin kumuha ng kasambahay o magbabantay sa anak namin, kaya syempre, kailangan din namin ng mas malaking mauupahan, yung may dalawang kwarto, para sa amin at para sa kasambahay sana. Kaya nagtanong tanong kami, naghanap hanap sa loob lang din ng same Subdivision..
JUNE 2021 nung nakita namin ang bahay nila ate Ana, di nya tunay na pangalan. Sakto, palipat na sila ng bahay noon dahil may isa pa silang naipatayong bahay na mas malapit sa trabaho ng mga anak nya at asawa nya. Kaya pauupahan nya nalang ang bahay nila na nasa loob ng Subdivision namin. Sakto ang bahay na 'yon sa hinahanap namin-- up and down, may dalawang kwarto sa taas at may garahe pa kaya di na kami nagdalawang isip.
JULY 2021 ay lumipat na kami agad. Aaminin ko na dito na mabigat sa pakiramdam ang bahay nila ate Ana. Umpisa pa lang, noong tinignan pa lang namin ito ay iba na ang pakiramdam ko. Pero dahil nga pala deny ako ng mga nakikita at nararamdaman ko, sabi ko wala iyon, siguro dahil magulo lang ang bahay nila kaya ganun ang pakiramdam ko. Naglilipat nga kasi sila noong nakita namin ang bahay nila. Saka sanay na sanay na ako sa ganoong pakiramdam ko kaya hindi kona masyadong pinansin pa. Kaya noong lumipat kami, pina ayos ng konti ang bahay, pina pinturahan, inayos ang kwarto at kulay ng gate. Tapos okay na. Pero dito narin unti-unti nagsimula ang mga kakaibang pangyayari.
Wala parin kami nakikitang kasambahay noon kaya laging kami lang ng anak ko ang naiiwan sa bahay. Ang asawa ko lingguhan ang uwi dahil nga pandemic noon, kaya kailangan mag stay sa field. Ako naman, WFH. Magkakatabi rin naman ang bahay, at maraming kapitbahay kaya hindi ako natatakot. Sa tuwing may maririnig akong mga tunog o ingit, iniisip kong sa kabilang bahay lang yun dahil nga dikit dikit. Yes, marami akong naririnig na tunog, parang mga ginagalaw na appliances, may naglalakad sa baba, o kaya naman langitngit ng mga kahoy. Ang bahay kasi na iyon ay bato/tiles sa baba, at kahoy ang hagdan at second floor. Pero para hindi narin ako matakot dahil dalawa lang kami ng anak ko, lagi kong iniisip na sa kapit bahay lang iyon.
Hanggang sa napapadalas na ito. Araw araw. Parang parte na ng pamumuhay namin ang mga tunog, tipong may kasama kami sa bahay. Sinubukan ko parin na hindi pansinin, pero hindi ko magawang makasanayan. Natatakot narin ako. Hanggang sa naging intense ang mga tunog, lumalakas ang langitngit ng mga kahoy, at lumalakas din ang mga tunog ng gamit sa sala. Parang may nagwawala. Maaga kaming umaakyat ng anak ko sa kwarto, mga bandang 8pm, pagka kain ng dinner, ay nasa taas na kami. Bandang 9pm tulog na ang anak ko. Kaya ako nalang ang gising at nakakarinig ng lahat.
Magsisimula ang mga tunog ng paglakad sa sala ng bandang 11pm. Simula 11pm, iba't ibang tunong na ang naririnig ko... Maglalakad, guguluhin ang mga gamit na parang nagwawala, may kakalabog, pagtapos ay langitngit ng kahoy. Gabi gabi ay ganoon. Parang routine... Hanggang madaling araw. Minsan kapag nakatulog ako ng maaga, magigising ako dahil sa mga ingay na ito. Tiniis ko, dahil ayokong maunahan ng takot. At minadali nalang namin makahanap ng kasambahay para may makasama kami pag wala ang asawa ko.
Hanggang dumating narin sa punto na nakikita kona sya. Babae. Laging nakaupo sa bandang corner ng sofa. Deadma lang ako. Minsan naman ay bigla syang dadaan sa likod ko. Kung minsan habang nagtutupi ako ng damit, alam kong nasa likod ko sya. Minsan habang nasa sala kami, biglang may kakalabog sa taas, tatakbo naman ako para icheck pero wala naman. Dumating narin sa puntong nakikita na ng anak ko. Isang beses, kakagising lang namin at pababa pa lang kami sa sala, bandang 6 am ito. Nauna bumaba ang anak ko, at niligpit ko pa ng konti ang kama. Biglang bumalik ang anak ko at sabi nya "Sino yun tao sa baba?". Alam kong hindi tao ang nakita nya dahil naka lock ang pinto namin, naka kawit ang double lock, at naka lock pati ang gate. Sino naman ang makakapasok. Isa pa, 4 y/o lang ang anak ko kaya di nya abot ang mga locks.
Napapadalas na nakikita ko sya. Hindi nalang sa corner ng sofa, kundi pati sa hagdan, nakadungaw sya. Sa kitchen bigla syang dadaan. At palakas na nang palakas ang mga ingay sa gabi. Hanggang sa nakita kona sya sa panaginip, buong mukha, nalaman ko ang pangalan nya, nalaman ko kung anong nangyari sa kanya. Naririnig ko kung anong sinasabi nya. Para akong pumapasok sa memorya nya.. Nakikita ko ang mga kaganapan pero hindi nya ako nakikita.. Noong una, akala ko napapraning na ako kaya pati sa panaginip ganun ang nakikita ko. Pero sobrang dalas na kaya nag desisyon akong tawagan ang may-ari ng bahay, si ate Ana para sabihin ang mga nangyayari. At sabihin ang mga nakikita ko, mentally at sa panaginip.
Ako: Ate, may nangyari po ba sa bahay? Parang may nakatira po kasi. Bothered sya. Nakikita ko rin sya. Nakikita ng anak ko. Nakita ko rin anong nangyari sakanya.
Ate Ana: Anong nakita mo...
Ako: May babae na malungkot, depressed, iyak nang iyak. Laging nagwawala. Lalo na sa gabi. Lagi nyang sinasabi na "iniwan nyo ako", hanggang sa hindi na nya kinaya at tinapos na nya ang buhay nya... nabigt**...
Kinuwento ko ng buong buo, kumpleto ang detalye.. At ang sagot lang sakin ni Ate Ana ay
"Anak ko iyon, si Mika (di tunay na pangalan), tama ka na ganun ang nangyari. Napabayaan namin sya kaya nagpakamat** sya.. nabigt**...Hindi nagdalawang isip maniwala sa akin si ate Ana dahil walang ibang nakaka alam ng kwentong ito, sila lang na pamilya.
Nalaman namin na kaya pala sila umalis ng bahay na iyon ay dahil hindi parin sila maka move on sa pangyayaring iyon kay Mika.. Sinisisi din nila ang sarili nila dahil alam nilang may pinag dadaanan si Mika pero nagkulang sila sa suporta.
Isang araw, iniwan nila sa bahay si Mika na parang normal lang ang lahat. Umattend sila ng event, at dahil sa Maynila pa ito, madaling araw na sila nakauwi. Pagdating nila ng bahay, nakita nila na magulong magulo sa sala, nagkalat ang mga gamit, nakataob ang mga upuan. Nagwala si Mika.. at higit sa lahat, si Mika ay inabutan nilang nakabigt** sa sala...Noon ko naunawaan ang mga tunog na naririnig ko.. Paulit ulit kong naririnig gabi gabi ang mga huling sandali ni Mika...
At kaya pala Langitngit ng kahoy ang huling naririnig ko gabi gabi ay dahil dito na natatapos ang lahat para kay Mika....
Nakita ko rin ang dahilan at nangyari kay Mika, kung bakit sya umabot at nalugmok sa madilim na bahagi ng buhay. Kinonfirm din ito ni Ate Ana, yun nga ang nangyari.. Pero hindi kona ikwkwento bilang respeto kay Mika...
August 2021 ay lumipat narin kami ng bahay at hanggang ngayon ay narito parin naman kami nakatira. Bago kami umalis ay ipinag pray namin si Mika kasama ang pamilya nya. Pinag tirik ng kandila. Naramdaman namin ang pag gaan ng bahay, at ang may kalamigang hangin. Nakapag paalam narin sila ng maayos kay Mika na hindi nila nagawa noong lumipat sila ng bahay.. Kaya siguro lalong nalungkot si Mika..
Rest in Peace Mika... Salamat sa pagpapamulat mo sa akin ng aking kakayahan.
Maraming salamat sa pagbabasa nyo. Sa muling kwento.
- Divine📜Travel Horror Stories
▪︎2023▪︎
BINABASA MO ANG
[5] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)
KorkuAlmost all of the stories here are from the FB page Spookify, Let's Takutan Pare and other FB horror pages that I compiled. They are the ones that I enjoyed reading over the years.