Tinataboy ang Swerte

78 4 0
                                    

PTP Admins sana mapost po TIA. Hindi siya Travel Horror Stories pero share ko na rin po.

May Trainer akong kapartner during training sa isang malaki at kilalang BPO Company. One time napag usapan namin business nilang canteen sa may Taguig City (Lagi nya kasi ako dinadalhan ng ulam na galing dun) Sabi niya 2016 noong bagong tayo yung business nila sobrang tumal at yung mga tauhan nila madalas mga magkasakit o kaya ay hindi nagtatagal. Nasa kanto mismo yung canteen na malapit sa school, offices saka matao yung lugar.

Pinagtiyagaan ng mga magulang niya yung business nila kahit minsan halos wala silang kinita buong maghapon. One time during lunchbreak may lalaking kumain at sa labas siya pumwesto kasi mahangin. Sabi ng kawork ko ang weird daw ng itsura mukhang ermitanyo kasi ang haba ng balbas tapos yung damit niya gawa sa balat ng hayop tapos naka boots. Bukod dun may dala dala itong bag na gawa sa hinabi na banig at kawayan tapos sa beywang neto may mga nakasabit na mga garapa ng gamot. Iba iba ang sizes pero mga walang laman kaya naweduhan sila.

Nung magbabayad na yung lalaki sa mama ng ka work ko nahawakan ng lalaki ang kamay niya. "Misis, wag kayong matatakot ha? Tila may kasama kayo dito na hindi kagaya sa atin na tinataboy ang swerte. Mag iingat kayo lagi at magdadasal sa panginoong Diyos." Nagtaka yung mga nandun na nakarinig kasama na yung kawork ko. Humabol pa ng salita ang lalaki at sabi "Misis, babalik ako dito bukas ng ganitong oras para itaboy ang masamang espiritu na nakatira dito. Huwag na muna kayo magbukas at oorasyonan ko ang iyong negosyo"

Kinabukasan nagbalik nga ang matandang lalaki pero yung time na yun isang garapa na lang ang nakasabit sa beywang niya. "Misis paki buksan lahat ng bintana pati mga pinto sa mga silid para makapasok ang simoy ng hanging amihan" Sinunod naman ito ng mga nandun at inilabas ng lalaki ang garapa at bunuksan. May mga binanggit siyang salita at pagkatapos bumulong sa garapa at bumulong sa hangin. Yung mga nakasabit na mga sandok, kawali, kaldero, mga kutsara at tinidor pati nga pinggan ay nagsipag alugan. Akala nga ng kawork ko lumindol kasi ang lakas talaga ng pag alog ng mga gamit. Nagsalita ang lalaki habang nakapikit "Matagal ka na dapat wala dito sa dimensyon ng mga mortal! Ang iyong panggagambala ay may sapat na kaparusahan!" At lalong lumakas ang mga pag alog ng mga gamit kasabay ng napakalakas na hangin. May binanggit ulit na orasyon ang lalaki at sabay tinakpan ang garapa at binalot ng kulay pulang panyo. Biglang nawala ang malakas na hangin at mga pag alog ng mga kagamitan.

"Misis, wala na siya ikinulong ko na siya sa dapat niyang kalagyan. Maglagay kayo ng asin sa apat na sulok netong lugar na ito at mag alay ng dalawang itlog, basagin nyo at ibaon sa lupa ang balat." Ginawa naman nila ang iniutos ng lalaki at naghabilin bago umalis. "Wag kayong titigil sa pagdarasal at pagpapasalamat sa mga biyaya ng Diyos. Ako ay tutuloy na at kailangan maibaon ko sa lupa ang ang garapang ito sa Bundok Ng Cristobal. Malalalim na malalim na hukay, dahil kapag siya ay muling makawala dobleng galit ang mananaig at kukuha na ito ng buhay"

At nagpaalam na ang matandang lalaki na hindi tumanggap ng kahit anong bayad mula sa mama ng ka work. Ilang araw ang lumipas biglang naging mabili ang kanilang canteen na halos araw araw mapuno dahil sa dami ng kumakain. Ang kinikita nila sa buong araw ay triple sa puhunan kaya naman laking pasalamat nila sa matandang lalaki na dumayo lang sa kanila.

Yun lang po maraming salamat!




📜Travel Horror Stories
▪︎2023▪︎

[6] True Filipino Horror Experiences (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon