Tinalikdan Ako Maging ng Aking Puso

3.4K 18 1
                                    

Tatlong araw ang lumipas buhat ng nagsumite ako ng aking unang pahayag ukol sa aking nadarama sa mga sandaling yaon. Umabot sa aking kabatiran ang pagkapatda at pananakit ng mga mata ng karamihan sa kanilang mga nabasa. Patawad, subalit muli na naman akong maghahatid ng kapighatian sa mga mapaglakbay ninyong kaisipan.

Alintana ko pa ang poot ng kalangitan, makulimlim ito't mistulang isang taong namamalisbis ang mukha. Nai-iyak nang tuluyan ang damdaming kinikimkim ng kaytagal, bumuhos na ang malakas na ulan. Karamihan ng mga tao'y sumisilong sa mga kabahayan. Sa kabilang banda, mayroon pa rin namang sumusuong hawak-hawak ang mga pananggala nila sa ulan. Painot-inot akong nag-lakad sa kahabaan ng Guzman, hindi ko madalumat kung bakit hanggat sa huli-hulihan ay sumang-ayon ako't patuloy na umasang magkaroon ng tuldok ang istoryang ito, ang istorya nating dalawa.

Pagkamulat ko sa aking mababaw na tulog, nakatanggap ako ng mensahe mula sa taong labis kong minahal.

Hunyo 8, 2015. 9:33 ng umaga.
""Otw to manila! Txt!""

At kapagdaka'y nakatanggap ako ng tawag mula sa kaniya.

Nauna kong isangguni sa mga pinakamalalapit kong kaibigan ang bagay ukol sa muli naming pagtatagpo. Sinambit nilang huwag ko na itong pagtuunan ng pagpapahalaga sapagkat kakarampot na araw na lamang ang nalalabi bago ko landasin ang ikalawang kursong kukuhain ko. Ngunit sadyang tinakasan na ako ng bait ko sa sarili, tumutol ang puso ko sa kanilang mga payo.

Isa, dalawang oras. Nanatili ako sa duon kung saan ko huling nasilayan ang kanyang mukha at duon ko pinagmasdan ang mga dahong natatanggal sa mga sanga ng puno sa tindi ng ihip ng hangin. Palinga-linga at iniisip na disin sana'y makarating siya. Tatlo, apat na oras. Hindi ko maiwasang mahabag na sa sinasapit ko kasiphayuan. Ito na siguro ang animo'y tuldok na aking iniintay.

Magkahalong puyos ng pagkamuhi sa aking sarili at sakanya ang aking nadarama. Pagkat hanggang sa huli, pinili kong maging mangmang, pinili kong masaktan, pinili kong suwayin ang mga kaibigan kong tanging ikabubuti ko lamang ang ibig at higit sa lahat, pinili kong sundin ang puso kong nangungulila sa kasagutan, sa kasagutang matagal ko ng nalalaman.

At sa aking hinuha'y hindi ko maaatim na danasin ito ng panibago niyang minamahal. Nangangamba akong maulit sa iba ang pagiging tuta na minsang aking ginampanan.

Oo, ako'y nabulag, naging sunud-sunuran at nalimas na halos lahat ng aking pinakaiingatan nang ipagkaloob ko ang mga ito sa kanya ng walang pag-aalinlangan.

Kaya ngayon pa lamang ay bababalaan na kita.

Para sa panibagong tao sa buhay niya:
Maaaring ipinagkalulo niya ako sa isang kagaya mo. Bihasa ka sa halos lahat ng bagay, maringal ang 'yong tinig, mayumi ka't kaaya-ayang tignan at tunay na higit ka dahil pinanganak ka sa kaalwaan. Sinong Adan ang hindi mabibighani sa iyo? Anong laban ng isang pangkaraniwang taong kagaya ko? Ngunit lahat ng patalim ay pumupurol at nangangalawang rin. Bagamat maganda, mahal, matibay at matalas ang pagkakayari nito'y darating ang panahon na hindi na ito magagamit pa. Darating at darating ang sandali na ilalagay ka sa isang silid kasama ang iba pa niyang koleksyon ng patalim, kasama ko, kasama namin.

Kasama naming mga nangakong tutupdin siya at mamahalin siya ng wagas, kasama naming mga nagtiis ng kanyang mga panlilibak at pag-aglahi, kasama naming mga napaniwala ng doble-kara niyang muka. Sa dulo mo na lamang mapagtatanto ang layunin niya na maisasakatuparan sa pamamagitan mo. Kaya dinggin mo ang bahaw kong tinig na nagsusumamo na tukuyin at kilatisin mo muna ang kanyang pagkatao.

Sa kabilang banda, kung sakaling ikaw ang Ebang nakalaan para sa kaniya, hindi ako tututol ni papangahasang manghimasok sa buhay ninyo, patuloy kong iuumid ko ang aking dila. Idudulog ko na lamang siya kay Bathala dala ang mabigat na damdaming ito at ang nakakuyom kong mga daliri, nagbabaka sakaling mapagbago mo siya't maging matiwasay ang pamumuhay ninyo. At sana, hindi tunog ng punebre kundi tunog ng batingaw na pangkasal ang marinig ko sa muli nating pagkikitang tatlo.

Sadyang mayroong mga taong itinakda talaga para sa isa't isa at may mga taong itinakda lamang upang magkita.

Pagkat nasa sinapupunan pa lamang tayo ng ating mga iloy, nakaguhit na sa ating palad ang ating mga tagna


JZe 0.

2012
College of Tourism and Hospitality Management

Kwentong KolehiyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon