Princess KC II

6.3K 88 12
                                    

Nakita ko na siya..

Pasensiya na kung ang haba, pero kulang pa lahat ng ito para mailabas yong sayang nararamdaman ko. Ipinaalam ko sa kaniya kanina kung pwede kong ipost na nakita ko na siya, ayaw niya nong una kasi nakakahiya daw. Pero pinilit ko siya tapos sinabihan niya akong bahala daw ako pero may halong pagsusungit. Sana mapost ulit ito, nahanap ko na ang pinangarap kong prinsesa ko

Lahat ng kakilala ko sa bawat college ng UST tinanungan ko, tinanong ko sila kung may kilala silang KC. Meron yong iba pero nong tinignan ko lahat ng kakilala nilang KC, wala ni isang tumugma. Napapaisip ako na siguro sobrang lungkot pa rin ng prinsesang ito. Hindi siya nawala sa isip ko, yong bawat pagpunas niya ng tumutulo niyang luha non yong naaalala ko. Na kung bakit nakaya ng lalakeng gumawa non sa kaniya na iwan siya ng ganon ganon lang. Kung bakit nakaya pa niyang bitawan yong ganong kagandang nilalang. At kung bakit nakakaya niyang makita si KC na nasasaktan. Hindi ako mapakali, kaya nag kwento na ako kay mama na may nakilala akong babae at ang sabi lang niya sa akin, hanapin ko si KC kasi siya yong kauna unahang kwinento ko sa kaniya. Oo nagka girlfriend na ako ng dalawa pero kailanman hindi ko pa pinakilala kina mama. Ang sabi kasi sa akin ni mama nong high school pa lang ako, Magpakilala lang ako ng babae sa kanila ni papa kapag sigurado na akong siya na yong gusto kong makasama. At oo, kailanman hindi ako naging sigurado. Hanggang sa dumating si KC..

Iba talaga siya. Unang beses kong nagkagusto sa babae ng kusa. Yong mga dati kasi irinereto o inaasar lang sa akin. May kakaiba sa kaniya na gusto kong pursigihin, yon siguro yong ayoko siyang makitang umiiyak, nahihirapan at nasasaktan. Na sa likod ng mga luha niyang nakita ko noon, mayroong ngiti sa kanyang mga labi na inalis nong lalakeng nagpaiyak sa kaniya. Gusto kong ibalik yong ngiti niyang kinuha ng lalakeng yon mula sa kaniya kasi nong umiiyak siya, naramdaman ko yong gigil na kailangan ko siyang alagaan

Nagkabagsak ako at yon yong kinuha ko ngayong third term na kung saan ko unang nakita si KC sa lovers lane nong July 2 pagkatapos ng klase ko. Kakatapos ng third term kahapon, July 16 kaya nagpasiya kaming mag kakaibigan na umalis. Hindi ako umasang makikita ko siya sa araw na yon kasi hindi naman ata siya nagthi third term. Puwera na lang kung naisipan niya lang magpunta ng UST. Ugali ko laging magpunta muna ng simbahan pagkatapos ng klase ko kaya nagpahintay na lang ako sa mga kaibigan ko sa plaza mayor bago kami magpunta sa bahay ng isa naming kaibigan. Pagka balik ko sa plaza mayor, may isang babae akong naaninag sa lovers lane na mag-isa lang. Don sa mismong pwestong yon ko siya unang nakita. Iba yong pakiramdam ko non kaya sinabi ko sa mga kasama ko na don kami dumaan. At hindi ako nagkamali, si KC nga yon. Ganong oras ko rin siya nakita non, mag-aalas onse ng umaga. Don ko nalaman yong college niya kasi naka uniform siya. Arki pala siya

Naka tali yong buhok niya, kaya litaw na litaw yong ganda niya. Ang simple, walang kahit anong kolorete sa mukha. Sinabi ko sa mga kasama ko na siya yong kwinekwento ko sa kanila. Pagkatapos ay biglang nag-ingay sila. Pinatahimik ko sila kasi nakakahiya sa kaniya. Nakayuko, nagtetex lang siya at mukhang may hinihintay. Hindi niya kami napansin at nakita. Sabi ko sa mga kaibigan ko mauna na sila at susunod na lang ako. Don lang naman kasi sa banawe yong bahay ng kaklase ko. Kaya pinagbigyan na nila ako at inaasar. May sumigaw pa ng Princess K buti na lang at mukhang wala lang siyang pakialam at naririnig

Nabuhayan ako ng loob, gusto ko na siyang lapitan agad pero hindi ko alam kung anong sasabihin ko, kasi hindi ko alam kung maaalala pa niya ako. Yong sayang nadama ko non, nahaluan ng takot at kaba kasi paano kung nagkabalikan na pala sila at yon yong hinihintay niya don. Pero binalewala ko na lahat ng takot at kaba ko, ang tagal kong hinintay to, kaya dali daling lumapit ako

Umupo ako sa tabi niya, sabi ko sa kaniya ""KC""
Tumingin siya sa akin at bigla siyang ngumiti. Nakakatunaw. Ang ganda niya. Yong ngiti niya ngayon ibang iba na, hindi katulad noon na napipilitan lang. Tapos ang cute niya kasi yong braces pa niya ngayon ay Hello Kitty, kulay pink. Nong una ko kasi siyang nakita, black lang yong braces niya. Sabi niya, ""Uy ikaw nga, kumusta ka na""

Kwentong KolehiyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon