Attorney

12.3K 405 31
                                    

Ako ay isang simpleng tao lamang. Nagmula ako sa Davao del Norte. Ang mga magulang ko ay matanda na. Sila'y magsasaka sa aming lugar. Minsan, napapaluha na lang ako dahil hirap na hirap na sila sa kakatrabaho. Kami ay tatlong magkakapatid. Laking pasasalamat ko sa Maykapal sapagkat kaming tatlo ay iskolar mula elementary hanggang high school sa tulong ng aming Congressman. Hindi talaga kayang tustusan ng aming magulang ang aming pag-aaral. Sapat lang ito sa pagkain ng isang beses sa isang araw. (Oo. Isang beses lang kami madalas kumain sa isang araw.)

Magkokolehiyo na ako. Hindi ko alam kung san ako makakakuha ng pambayad ng tuition dahil walang-wala kami. Buti na lang may hulog ng langit, ang tita ko. Pinagaral niya ako ng libre sa kursong AB Legal Management. Gusto ng aking tita na ito ang kunin para magtuloy tuloy sa kursong Law. Pangarap ko na noon na maging isang magaling na lawyer. Sa awa ng Diyos, naka graduate naman ako on time . Cum Laude din ako. Praise God!

Eto na. Iisipin ko nanaman kung pano ako makakapag Law. Hindi na ako mapagaaral ng tita ko dahil naistroke ang asawa niya. Malapit na sila mabaon sa utang. Pinangako ko sa sarili ko na once magkapera ako, tutulungan ko sila. Sila ang sumagot ng pangkolehiyo ko. It's the time to repay.

Pumunta ako ng Manila. Wala akong kaalam alam. Nakipagsapalaran ako kasama ang milyon milyong tao. Ang dala ko lang na pera noon ay 1850, to be exact. Hindi ko alam kung pano ko ito mapagkakasya hanggang sa gumraduate ako. Nag trabaho ako sa talyer, naging car wash boy ako, naging barker ng mga jip, tagabenta ng sigarilyo, at kung ano ano pa magkaron lang ako ng sapat na pera. Meron akong isang customer sa talyer na laging nagpapaayos ng sasakyan sakin kung may problema. Tinanong niya ako kung nag aaral pa ba ako. Ang sabi ko naman ay wala akong pampaaral sa sarili ko para maituloy ko ang Law Degree. Kinapalan ko na ang muka ko. Nilunok ko na ang pride ko. Sa kabutihang palad ay pagaaralin ako ni Mr. Lim kapalit ng pagiging guard sa bahay nila. Okay na yun.

Ginamit ko ang natitira ko na pera para sa pambayad ng admissions fee and sa requirements. Sa awa ng Diyos, nakapasa naman. Pumapasok ako ng eskwelahan ng walang pagkain, kadalasan tubig at pandecoco lang. Wala akong libro, puro photocopies lang. Minsan hindi ko na iniisip yung gutom at pagod, iniisip ko na lang na makapagtapos at makapagmartsa. Minsan madaling araw na ako natutulog at may pasok pa ng umaga para sa mga exams na mahahaba. Pag pumapasok ako, may pumapalit sakin na tagabantay. Minsan, papasok ako ng walang tulog. Wala eh, kailangan eh.

Nakapagtapos ako ng Law ng walang Latin Honors. Hindi ko na inisip yun. Ang nasa isip ko lang ay makapagtapos ng pagaaral alang alang sa pamilya ko. Super thankful ako sa kanila na sila ang naging magulang ko.

Malapit na ang bar exams. Wala akong pang review center. Wala akong ipon. Iniisip ko na kaya ko ito ng Self Review lang. Ang anak ng amo ko ay isang lawyer na. Pinahiram ako ng mga review materials para maitawid ko ito hanggang sa dulo. Everyday, nagaaral ako ng 8-10 hours. Wala akong pang ""Starbucks"" gaya ng iba. Kopiko lang ako at solb na ako dun.

Araw ng bar exams. Every Sunday, hawak hawak ko ang rosaryo na bigay sakin ng mama ko bago ako umalis. Aaminin ko, mahirap ang bar exams. Mahirap talaga. Pero kumapit pa din ako sa pananalig ko kay Lord. Alam ko eto ang plano niya sakin. Mahal ako ng Panginoon. Mahal niya tayo. Di niya tayo pababayaan. Natapos na ang bar. Relief iyon na natapos ko ang exam. Worth it dahil andiyan si Lord sa tabi ko nung nakikipaglaban ako sa libo libong estudyante na gustong magka "Atty." sa pangalan nila. Nalaman ko ang results, pumasa ako. Tuwang tuwa ako noon dahil sulit ang pinagpaguran ko sa loob ng apat na taon.

Sa mga tumulong sakin, Tita and Mr. Lim, maraming salamat po sa inyo. Kayo po ang hulog ng langit para makapagtapos ako ng pagaaral. At higit sa lahat, maraming salamat Lord! Testimony ito na He can do miracles. Sa mga tao na nawala ang landas o direksyon sa buhay, wag kayo mawalaan ng pagasa. Andiyan si Lord, nakikinig sa mga problema mo, sa mga gusto mong makamit. Hindi pa tapos ang panahon. Kaya pa nating baguhin ang mga buhay natin.

Eto ako ngayon, nagtatrabaho na isa sa pinakamalaking Law Firms sa bansa. Meron na rin akong sariling sasakyan. Kasama ko na rin sila mama at nakatira na kami sa Manila. And habang Lawyer na ako, nagseserve na din ako kay Lord.

PS, Masarap pala ang lasa ng Starbucks!
PPS, Thank you po Mr. Lim sa mga damit na pinahiram mo po sa akin nung pumapasok pa ako.

baristaCHOI 
2008 
Faculty of Civil Law

Kwentong KolehiyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon